SUMUNOD naman ang camera man. Kinunan ang reporter ng kakumpetensiyang network habang nakikipag-usap ito sa wala namang taong makikita.
Pero ang totoo, nakikita naman talaga ng reporter si Benilda, ang multo. At nag-uusap sila.
“Utang na loob, wala kaming intensiyong masama. Inuutusan lang kami ng trabaho namin. Kaya huwag mo kaming saktan, patayin.”
Lalo lang nagalit ang multo. “Hindi pa ako nakapatay! Pero nagpapahirap ako ng mga taong matitigas ang ulo at pasaway dito sa aming lugar!”
“Kahit ano pa ang gagawin mo, talagang hindi na kayo matatahimik dito. Masyado nang sikat ang inyong lugar bilang pugad ng mga multo. At ako nga, napapatunayan ko ‘yan ngayon. Saka paano ba naman kayo matatahimik, pinagkukuwartahan ni Aling Azon ang inyong tahanan? Totoo ba ‘yung mga kinukuwento niya?”
“Hindi! Pinakahuling tao ninyong dapat malaman ay ang babaing ‘yan. Pati ang kanyang asawa na mabuti na nga lang nasa ospital na! Problema ko kapag umuwi pa dito sa amin ‘yon!”
Lihim na natutuwa ang reporter na may sixth sense dahil at least, kinakausap siya ng multo at marami siyang nalalaman.
Hindi niya napapansin na kinukunan na sila ng camera hindi nga lang nakikita si Belinda.
Pero mukha siyang tanga na may kausap pero walang nakikita.
“Eh, iyung lalaking may kasamang pari na pumasok? Mario yata ang pangalan noon. Mabuti o masamang tao? Kakampi ninyo o kaaway?”
Lumungkot ang mukha ni Benilda. “Noong una, sila ang inaasahan ko na mangangalaga dito sa naiwan naming mansiyon. Pero nagkamali sila dahil nagpauto sila sa pamilya ni Temyong. At ngayon, lalong gumugulo ang sitwasyon, ang mabait niyang asawa na si Anna ay nakakulong ... dahil ... dahil may isang multo dito na naka-wheelchair na punung-puno ng galit at paghihiganti. Marami na siyang napatay. Marami nang namatay na hindi ko kagustuhan. Ang demonyo na sinamba nina Azon, ang mga multong masasama ... sila ang sumisira sa tahanang ito na noong nabubuhay pa ang aking mga magulang ay puwersa ng kabutihan ang umiiral!”
Nanlumo rin ang reporter. “Hayaan mo, pipilitin ko na ang lahat mong sinabi ay makakarating sa mga tao. Magkaroon man lang ng linaw kung ano ba talaga ang kababalaghan sa mansiyon na ito.” Itutuloy