HIRAP NA HIRAP na si Temyong sa paglalagare pero hindi pa rin tinatablan ng lagare ang punong-kahoy na natumba at nakadagan sa pinaglibingan ng mga alahas nina Benilda.
“Ayaw talaga, Azon! Pero hindi tama ito! Kung talagang mabait ang kanilang Diyos, wala Siyang pakialam dapat sa yaman o pera!”
“Oo nga! Kaya duda ako kung kanilang Diyos ang gumagawa nito, e!”
“Posibleng ang gusto lang patunayan ng kanilang Diyos ay na Siya ay mas makapangyarihan!”
“Mas magaling kaysa sinasamba natin?”
“Teka nga … hahamunin ko nga itong imaheng sinasamba natin!” Aburido na si Temyong.
At hinarap ni Temyong ang masamang imahe. “Hindi ka ba gagalaw diyan? Hindi ka ba lalaban? Bakit nananahimik ka na? Tulungan mo kami! Dapat makuha namin ang yaman nina Benilda para maipagbunyi natin ang kasamaan!”
“Temyong!”
Paglingon nila, sina Mario at Anna ay nakatayo sa malapit at narinig ang mga pinagsasabi ni Temyong.
“Sabi ko na nga ba, hindi ka totoong nagsisisi! Nililinlang mo lang kami!” Sumbat ni Mario.
“Hindi na kami magkukunwari, Mario! Ang gusto talaga namin ay yumaman, mapasaamin ang lahat na materyal na bagay sa tahanan at bakuran na ito!”
“Hindi ka magtatagumpay! Hindi mo maaalis ang punong ‘yan na nagpoprotekta sa pag-aari nina Benilda! Kaya umalis na kayo dito! Isama na ninyo ang mga anak ninyong nakukuba, at baka sakaling gagaling sila! Hindi na ba talaga kayo naaawa sa mga anak ninyo?”
“Aalis lang kaming lahat dito kapag mayaman na kami! Ikaw ang dapat maawa sa mga anak ko kaya tulungan mo kami na makuha ang yaman nina Benilda! Hindi ba ang mga mababait na tulad ninyo ay wala namang pakialam sa yaman, lalo na ang mga multo nina Benilda! Bakit ba ipinagmamaramot pa ninyo ang yaman na nakalibing diyan? Mali ang inyong Diyos, mali Siya sa pagpoprotekta ng mga materyal na bagay!” Sobra ang galit ni Temyong, pulang-pula, saka itinirik ang mga mata.
Inatake ito sa puso. Bumagsak na lang sa lupa.
Nayanig si Azon. “Temyoooong!”
ITUTULOY