IILANG hakbang na lamang sina Avia at Armani sa kamatayan. Nakakatiyak na si Simeon na siya na ng maghahari sa Pilipinas bilang aswang.
Habang parelaks-relaks na lang sa pakikipaglaban sa mga mahihinang mabubuting lahi, nai-excite na siya sa mga eksenang kanyang nakikita.
Siya, ang makisig na si Simeon, na pinagkaguluhan ng mga kababaihan bago pa nalamang siya ay aswang, ay magiging panginoon ng lahat. Ng mga tao. Ng mga mabubuting lahi ng aswang.
Natukso rin siyang imadyinin na si Avia na pinakamahalaga sa mabubuting lahi, pinakamaganda ... ay magiging asawa niya.
At dahil nga ang pamilya aswang nina Avia ay royalty kung ituturing ... siya man ay magiging royalty na rin.
Royalty blood. Dugong bughaw. Nangingilag ang lahat na aswang. Matatameme. Yuyukod. Magiging pedigree na siya.
Puwede siyang tumakbo bilang president ng mga tao.
Pero ang maganda nito, puwede pa rin niyang hindi bibitiwan ang pagiging aswang. Ang mga tao ay hindi na makakatutol dahil alam na nilang hawak na niya ang mga ito.
Siya ang lider ng mga tao, siya pa rin ang lider ng mga masasamang lahi. At dahil nga asawa na niya si Avia ... sino pa ba ang kikilalaning lider ng mga mabubuting lahi?
Siyempre siya rin.
Napahalakhak sa katuwaan si Simeon. Dream comes true. Lumalakas na ang ulan, pero itinangala pa ni Simeon ang mukha at ibinukas ang bibig. Handang-handa sa pagtanggap ng biyayang sigurado siyang para sa kanilang lahi.
Kumulog ng napakalakas. At gumuhit sa langit ang napakaliwanag na kidlat, matagal na nakatunghay mula sa kalangitan ang malalaking guhit ng kidlat na pormang KRUS. Itutuloy