SA WAKAS, natanggap na rin pala ng mga sakop ni Simeon ang kanyang pasaklolong tawag.
At dahil nga live naman na kinu-coverage ng media ang kritikal na sitwasyon kaya rin alam ng mga sakop na mahihirapang makatakas si Simeon, kapag hindi sila dadating at tutulong.
Walang nakaharang sa mga masasamang lahi.
Nagtakbuhan ang mga nakamasid nang makitang nag-transform na sa mga nakakatakot nilang anyo ang mga kalahi ni Simeon.
Tuluy-tuloy lang ang mga masasamang lahi sa loob ng ospital, papunta na sa paakyat ng mga kisame.
SINA Father Albert naman, Madam Helena at mga kapamilya ni Avia ay nasa kalawakan.
Naka-transform na kahit papalubog pa rin ang araw.
Lumilipad papuntang Maynila.
Si Father Albert ay inililipad ng dalawang mabuting lahing aswang. Magkatabi lang sina Father Albert at Madam Helena kaya nagkakausap ang dalawa.
“Madam Helena, siguro naman hindi pa tayo huli? Maililigtas pa natin sina Avia at mga magulang ni Armani pati na ang mga kabataang tumutulong sa kanila?”
“Huwag kayong mag-alala, Father Albert. Ang kutob ng dibdib ko ay mga buhay pa sila pero ...”
“Pero ano, Madam Helena?”
“Napakalapit na ang matinding panganib. Lumusob na sa kinaroroonan nina Avia ang halos lahat na masasamang lahi. Napakarami nila, Father Albert.”
“Lahat din naman na mga kalahi ninyo ay kasama rin natin ngayon, hindi ba? Kung numero ang pag-uusapan, hindi naman siguro lamang sa atin ang mga masasamang aswang.”
“Buo ko rin naman talagang nakuha ang suporta ng mga kalahi namin.”
“Salamat sa Diyos. Madam Helena, ano ba ang nakikita ninyong senaryo? Giyera na ba talaga ang kapupuntahan nito?”
“Inihanda ko na nga ang loob ko sa paghaharap na ito. Buong puwersa sila, buong puwersa rin tayo. At ano pa ba ang hinihintay natin? Kailan pa natin lalabanan at susugpuin sina Simeon? Napakarami na nilang pinatay.”
Natatanaw na nila ang Kamaynilaan. Dadanak na ang mga berdeng dugo. Itutuloy