PATULOY na sinasakal ni Nurse Arnold si Simeon.
Ngayon lang natapos mag-text ang attendant at nakita niya ang ginagawa ng nurse.
“Hoy, Nurse Arnold! Ano ba’ng ginagawa mo? Bitiwan mo ang pasyente! Nababaliw ka na ba?”
Pero napakalakas ng nurse na pinasukan ng kaluluwa ni Draz.
“Driver Mang Ernesto! Itigil n’yo muna ‘tong ambulansiya! Tulungan ninyo ako dito! Pinapatay ni Nurse Arnold ang pasyente!”
Narinig naman ng driver, tumigil.
Agad lumipat sa may pasyente.
“Ano ba ‘to? Bakit nananakal?”
“Ewan! Basta kailangang matanggal natin ang mga kamay niya sa leeg ng pasyente!”
“Ayaw, e!”
“Malaki kayong tao, suntukin ninyo!”
“Ano? Baka ako naman ang sakalin?”
“Alangan namang pabayaan na lang nating mapatay niya ang pasyente? Mananagot tayo! Wala na yata sa katinuan itong si Nurse Arnold, e!”
Bumuwelo ang driver.
At sinuntok ang nurse.
Talsik ito, tulog.
Nakahinga sila nang maluwag.
“Ang galing mo, Mang Ernesto. Teka, kailangang maitali muna ang mga kamay ni Nurse Arnold habang walang malay.”
Habang patuloy na nagbibiyahe ang ambulansiya sa ospital, tinatali naman ng attendant ang mga kamay ng nurse sa likod nito.
At ikinabit na rin uli ang blood bag kay Simeon. Kaya kahit papaano ay umayos ito.
Nagising ang nurse pero nakatali, nagpupumiglas.
“Hoy, Nurse Arnold! Tumigil ka na. Ini-report na kita sa clinic. Aywan ko kung ano ang sumanib sa ‘yo. Magsalita ka nga.”
Pero ungol lang nang ungol ang nurse, ang gusto ay matanggal ang tali ng mga kamay sa likod.
Wala na itong magawa laban kay Simeon. Lumabas na lang sa katawan nito ang ispiritu ni Draz. Itutuloy