Sino ba naman ang aayaw sa brazo de mercedes? Naaalala ko noong kabataan ko palaging brazo de mercedes ang pasalubong ng paborito kong tita ‘pag galing siya ng galaan. Ang brazo de mercedes din ang isa sa masasabing comfort food ng maraming Pinoy tulad ng inyong lingkod. Gawa ang brazo de mercedes sa malambot na meringue roll at may custard filling sa loob. Napakasimple kung tutuusin pero sobrang sarap nitong ipares sa kape o tsaa.
Pero ano nga ba ang lasa kung ito ay ginawang cupcake? Marami na rin nagsulputang bakeshop sa ating bansa na nagsi-serve ng brazo de mercedes cupcake.
Ang ating titikman ay gawa ng Mylene’s Ensaymada and Banana cake. Ang nasabing bakeshop ay kilala sa kanilang ensaymada at banana cake pero ating susubukan ang kanilang cupcakes na ang flavor nga ay brazo de mercedes.
Nagkakahalaga ng P50 ang cupcake nila sa Ipil branch sa Marikina na aming pinuntahan. Pinayagan naman kaming kumain kahit parang hindi tambayan ito. Maliit lang kasi ang kanilang lugar at parang puro pang-take out lang.
Balik sa cupcake, nagustuhan namin ang meringue cupcake base dahil sa medyo matamis at may hint ng lemon. Malambot ito at mabango. Ang hindi lang namin masyadong nagustuhan ay ang custard. Medyo matigas kasi ito na marahil ay matagal nang nagawa. Hindi rin gaanong matamis ang lasa nito tulad ng aming inaasahan. Ang custard kasi ang nagdadala sa brazo de mercedes. Pero malaki naman ito at sakto sa presyo.
Subukan n’yo rin ang kanilang brazo de mercedes cupcake at siguradong babalik kayo sa inyong kabataan.
Ang Mylene’s ay may branches sa Landmark Trinoma, Xavierville, Lilac, Marikina, at Calumpang Marikina. Bisitahin din ang kanilang FB page na mylenesbakeshop. Burp!