Ang ampalaya ay mapait. Singpait noong kalasan ka ng dyowa mo. Singpait din nang malaman mong may iba ang mahal mo. At singpait nang ma-basted ka ng crush mo.
Pero hindi tungkol sa pag-ibig ang ating pag-uusapan. Usapang puso, oo, dahil alam ba ninyo na maganda sa puso ang ampalaya?
Tama, ang mapait na gulay na ito ay maganda sa puso. ‘Yung laman-loob na tumitibok diyan sa dibdib mo. Ang LDL o bad cholesterol kasi sa ating katawan ay kayang isama ng ampalaya extracts papalabas ng ating katawan.
Bukod pa riyan, may kakayahan din ang ampalaya na pababain ang blood sugar level sa katawan. Ito’y nagdudulot ng magandang blood circulation. Kaya hindi hinihikayat na kumain ng ampalaya ang mga diabetic na tao na umiinom ng gamot para sa diabetes. Lalo nga kasi itong magpapababa ng blood sugar level sa katawan na masama naman kung sumobra.
Kaya sa susunod na magpapaka-bitter kayo sa buhay, kumain na lang ng ampalaya kaysa magmukmok. Maganda ito sa kalusugan lalo na sa puso mapa-sawi man o hindi. Burp!