Aswang Territory (17)

Muntik na ngang mahagip ng mga maiitim at malala­king pakpak ng aswang si Armani. At mga pakpak iyon ng nobyang si Avia na isa ngang aswang.

Nasaksihan ni Armani ang lahat.

Ang paglabas ng mga pangil ni Avia.

Ang biglaang pagkaputol ng katawan nito, nahati sa dalawa, sa baywang.

At sigurado siya kung ano ang nakalambitin na iyon sa gitna ng hiwa ng torso. Bituka!

Nakalimutan na naman ni Armani ang matinding pag-ibig sa nobya. Nanginig siya sa takot.

Gusto niyang tumakbo pero ayaw naman kumilos ng kanyang mga paa. Gusto niyang sumigaw pero ang dila niya ay ayaw gumalaw.

At gusto niyang pumikit pero ang kanyang mga mata ay walang kapangyarihan ni kumurap. Sa sobrang pagkabigla niya sa nasaksihang transformation mula sa isang napakagandang babae patungo sa isang nakakatakot na aswang.

Hindi ka si Avia ... Hindi ka si Avia ...

Paulit-ulit ito na sinasabi lang niya sa isip.

“AWWWOOOOORRRRRRR!” Isang napakalakas na alulong. Hindi ng aso. Kundi nagmumula sa aswang na si Avia.

At akala ni Armani ay dadaluhungin na siya nito dahil nakatingin ito sa kanya na ang mga mata ay tila apoy, pulang-pula.

“Avia ... o kung ano ka man ngayon ... huwag mo akong saktan. Huwag mo akong patayin. Alang-alang na rin sa iyo.” Mangiyak-ngiyak at nanginginig ang boses na nagsalita si Armani sa kaharap na aswang.

“Ayokong kapag hindi ka na aswang at malaman mo kung ano ang ginawa mo sa akin ay hindi mo mapapatawad ang sarili. Magagalit ka sa pagkatao mo. Mabubuhay ka na punung-puno ng guilt. At ayokong mangyari ‘yon. Dahil mahal na mahal kita, Avia. Kahit ano ka pa.”

Bigla na lang ang mga nag-aapoy na mga mata ay naging malamlam. Naging maamo.

Bumaba ang mataas na bahagi ng katawan na nakahiwalay, dumugtong ito sa ibabang bahagi. Tumiklop ang mga pakpak hanggang sa nawala sa likod ng katawan ni Avia.

Ang mga pangil ay naging mga ordinaryong ngipin na lamang.

At umiiyak na nakaluhod si Avia, yakap ang sarili. “Hindi ko sinadya na maging nakakatakot na nilalang, Armani!” Itutuloy

Show comments