PATULOY ang pagbukas ng malapad na gate na bakal. Walang tao.
“Avia! Kahit pala ganyan kayang gawin ng aswang? Akala ko pa naman multo lang ang nakakagawa nang ganyan!”
Natawa si Avia. “Hindi ‘yan dahil sa aswang o multo ... modern na rin ang at least gate namin. Automatic control. Nabubuksan kahit ang nagbukas ay nasa loob lang ng aming bahay. Ang mekanismo ng pag-open at pagsara ng gate ay nasa may sala lang namin.”
Napahiya tuloy si Armani. “G-gano’n ba?”
“Ibig sabihin, may nakakita na sa pagdating natin. Inaasahan na naman nila talaga tayo kasi nag-text na ako. Hindi ba sinabi ko naman sa ‘yo?”
“Oo. Alam ko. Pero paano kayong nalagyan ng cell site dito?”
“May kalahi namin na nasa telecommunication. Ano ka ba? Hindi na naman imposible ‘yon sa panahon ngayon.”
“Avia, hindi naman talaga ako dapat matakot. Moderno na ang lahi ninyo kahit mga aswang pa kayo.”
“But I told you the truth, marami pa rin sa amin na kumakain ng mga laman ng tao. Pero marami rin, hindi na pumapatay. Malalaman mo rin ‘yon. Magkukuwento pa ako sa ‘yo.”
Tumuloy na sila sa bakuran at pumanhik sa malapad na hagdan na yari ng totoong marmol.
Awtomatiko ring bumukas ang malapad na main door. Walang sumalubong na tao sa kanila sa pintuan.
At madilim. Pero ilang saglit lang ‘yon. Biglang bumaha ang liwanag. Mula sa dalawang mga higanteng chandeliers.
Akala mo ay isang engrandeng party ang naghihintay kina Avia at Armani. Nalula si Armani sa lawak ng sala, sa mga kagamitan na pambihira sa ganda at elegance.
Pero lalong humanga si Armani sa mga taong nakaupo at nakatayo sa salas.
Mga babaing maganda, mga lalaking guwapo at makisig.
Parang mga panahon ng kastila ang mga kasuotan at ang mga alahas ay mamahalin at tradisyonal.
“Mama! Papa! Mga kuya! Mga ate!”
Napalunok si Armani, hindi takot ang nararamdaman niya ngayon kundi panliliit. Ngayon lamang siya nakakita ng pamilyang tradisyonal, mayamang makaluma pero may mga gamit na moderno, may mga gadgets na sunod sa panahon. At mga aswang! Itutuloy