Bawal na Pag-ibig

Dear Vanezza,

Itago mo na lang ako sa pangalang Nato. Mayroon akong gf at may anim na buwan na ang aming patagong relasyon. Pareho kaming may asawa. Ang asawa niya ay isang Intsik at pinagmamalupitan siya nito, hindi binibigyan ng pera at minsan sa isang linggo lang kung uwian siya. Wala silang anak. Ako ang driver nila. Minsan isang linggo lang kung umuwi ako sa aming probinsiya. Ipinagmamaneho ko siya ay naikukuwento niya ang kanyang mga problema hanggang sa magkahulugan kami ng loob. Ako ang naging hingahan niya ng kanyang sama ng loob. Una’y magkabigan hanggang sa lumalim ang aming relasyon at kami’y nagmahalan. Tuwing gabi at natutulog ang ibang katulong, sya mismo ang nagpupunta sa kuwarto ko at doon nagaganap ang bawal na pag-ibig. Lingid sa aking kaalaman ay natiktikan kami ng kusinera at kinausap ako at pinayuhang iwasan ko na ang amo namin. Sinubukan kong makipagkalas, pero iniyakan niya ako at nakiusap na huwag ko siyang iwan. Naaawa ako sa kanya kaya patuloy ang aming relasyon. Tama ba ito?

Dear Nato,

Kahit ‘di mo itanong ay alam mo sa iyong sarili na mali ang iyong ginagawa. Kasalanan hindi lamang sa batas ng tao kundi ng Diyos. May mga tao kayong pinipindeho. Kung ikaw ang pagtaksilan ng iyong asawa, ano ang magiging pakiramdam mo? Bago pa mabunyag ang inyong relasyon ng kanyang asawa ay putulin na ninyo ang inyong kalokohan. Ikaw na ang kusang umalis sa bahay na yan. Huwag ka ng magpaalam para hindi na niya makuhang magmakaawa sa iyo. Payo lang yan at ang huling desisyon ay sa iyo pa rin.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments