HINAWAKAN kaagad ni Armani ang kamay ni Avia. “Tuluy na tuloy na ito, Avia. Ako’y pormal na magpapaalam sa iyong pamilya na mamahalin kita habang-buhay. Kahit pa hindi ako bampira.”
“Ano ka ba, Armani ... hindi sabi ako bampira. Kundi aswang. Magkaiba ang dalawa. Ang bampira, hindi nahahati ang kanilang katawan. Pero kami na mga aswang nakakalipad kami pero naiiwan ang kalahati namin. Mula baywang hanggang mga paa.”
“Para sa akin pareho na rin ‘yon.”
“Ay, huwag kang ganyan, ha. Kapag hindi mo sinasabi ang eksaktong lahi namin, maiinsulto ang pamilya ko.”
“Dahil ipinagmamalaki ninyo ang lahi ninyo?”
“Mismo. Tulad din ng mga lahi ninyong mga ordinaryong tao, we are so proud of what we are. Ayaw naming mapagkamalang bampira. Kaming mga aswang ay may mga katangiang kami lamang tanging meron. At hindi namin ikinahihiya ang mga katangiang ito.”
“Naiintindihan ko na. Sorry, mahal. Promise, hindi na ako magkakamali. Hindi ko na kayo tatawaging mga bampira. Kundi mga aswang.”
Napangiti si Avia, natuwa. “Masarap pakinggan. Gusto ko ‘yan. Alam mo kasi, naniniwala kaming mas mabubuting nilalang ang mga aswang. At mas makapangyarihan.”
Napalunok si Armani. “Hindi ba kayo pumapatay ng mga tao kaya nasabi mong mga mas mabubuti kayo, Avia?”
“Pumapatay din kami. Pero kapag kinakailangan lang. Kapag nagugutom, kapag hindi kami nakakakain ng atay at puso eh, talagang parang mamamatay na kami sa gutom. Kapag may mga masasamang tao, we feel that killing them and make them our food is necessary. Nakakatulong pa kami sa mundo. Dahil nawawala sa daigdig na ito ang mga masasama.”
“Bakit, pagkaalam mo ba sa mga bampira, pinapatay nila ang mga tao kahit hindi kailangan?”
“Laging nauuhaw ang mga bampira sa dugo. Mabuti pa nga ang mga lamok sa kanila dahil kapag busog na, hindi na sila sumisipsip ng dugo. Ang mga bampira ay walang katapusang nauuhaw. Saka galit sila sa mga tao. Kahit hindi nila kailagang sipsipin ang dugo, gugustuhin pa rin nilang sumipsip ng dugo ng tao para lang pumatay.”
“Ano naman ang pagkakaiba ng inyong mga kapangyarihan?”
“Ang mga bampira ay nakakapasok kahit saan. Nagiging usok sila so they can enter any room. Hindi nga ‘yan kaya ng aswang. Pero ang mga aswang ay kayang lumipad, papunta kahit saan. Meron ngang marami na sa amin na nakapunta nang buwan.” Itutuloy