Island of the undead (163)

HINDI nagtagal at nangingisay na ang mga undead. Mga ordinaryo man at mga higante.

At si Reyna Coreana ay hindi naniniwalang tatablan siya ng katas ng mga tanim.

Lumangoy siya palayo. Pero kahit saan siya pumunta, naroroon ang mga tanim at ang katas ng mga ito.

“Lumayo kayo sa akin! Lumayo kayo sa akin!”

Pagharap niya sa kabilang direksiyon, mas maraming tanim ang bumunggo sa kanya. Dahil nagsasalita kahit nasa tubig, may isang malaking tanim na napasok sa bibig ng masamang reyna.

Kahit nasa tubig ay napasigaw si Reyna Coreana/Reyna Miley.

“AAAAHHHHHH!”

Lalo pang nakapasok ang tanim na nakakatasan na.

Nangisay ang masamang reyna.

SA CHAMBER, napasok na rin ito ng tubig. Ang sinasambang panginoon ni Reyna Coreana  ay naibagsak na ng tubig. Nadurog ito ng mga malala­king bato na kasama ng alon.

Umaapoy pa rin ang mga mata ng imahe pero hindi nakatagal sa tubig. Namatay din ang mga apoy sa dalawang mata.

At aywan kung saan nanggaling ang tila kidlat sa tubig, tumama ito sa imahe.

Umusok at nadurog ang imahe matapos tamaan ng kidlat na purong puti ang kulay.

HINDI na makaka­yanan nina Miley at Lorenz ang walang hangin, ang tubig ay hindi lugar ng isang tao.

Magtagal ka sa ilalim ng dagat, ikamamatay mo talaga. Hindi tulad ng mga isdang nakakahinga.

Sumenyas si Lorenz kay Miley: You and I forever. Saan man tayo mapunta. Sa kamatayan man, I’ll take care of you.

Sumenyas din si Miley kay Lorenz: Salamat, Lorenz. You are a great man. Isang lalaki na kahit ano ang nangyari, hindi bumitiw sa Diyos at sa kabutihan. Masuwerte ako na ikaw ang kasama ko sa mga sandaling ito.

Ang mga tao sa kampo nina Lorenz ay nasa ilalim na rin ng tubig. Karamihan sa kanila ay nagdadasal pa rin. Umaasang hindi pababayaan ng Diyos.

Itutuloy

Show comments