Island of the undead - 162

ANG pagsalpok ng mga maliliit na bundok na alon  ay nakakayanig. Nagyakap sina Miley at Lorenz habang nagdadasal.

Ang tubig ay tumama sa kanila, inangat sila.

Pero kahit nasa pintuan ng kamatayan hindi tumitigil sa pagdadasal ang dalawa. Walang maririnig na boses, nasa utak at puso lamang ang pananalangin.

Hindi nawawalan ng tiwala, lalo pa ngang nananalig. Handa na naman silang mamatay.

Sa isip ni Miley ay ganito: Baka ito talaga ang sagot ng aming mga dasal, Lord. Kamatayan. Kapayapaan sa inyong piling.

Siguro nga hindi na kami dapat maniwalang nasa pagkabuhay ang solusyon. Hindi ho ba’t ang tagal na naming nakikipaglaban sa mga undead na ito?

Ilang beses na rin kaming muntik nang makatakas pero nahuli pa rin kami ng kapangyarihan ni Reyna Coreana.

Kaya kung ito ang inyong sagot sa aming problema sa islang ito, tinatanggap ko po. Payag po ako, Lord.

GANITO naman ang nasa isip at puso ni Lorenz: Basta kung saan po ninyo dadalhin si Miley, doon na rin po ako, Panginoon.

Ayoko po siyang mapag-isa, ano man ang pupuntahan niya gusto ko po siyang samahan.

God, I think I love this girl. Pero wala naman po akong balak na agawin siya sa kanyang boyfriend. Ang dasal ko nga lang po na maging deserving naman si Blizzard kay Miley.

Wala po akong karapatang mang-agaw ng hindi akin. Kaya nga lang po, kung kukunin na ninyo si Miley, puwede po bang isama na ninyo ako? Kung siya naman po ay bubuhayin ninyo, ganoon din po ang hiling ko.

Isama n’yo na rin po ako.

SI REYNA COREANA naman, nang hampasin na ng mga higanteng alon ay mayabang pa rin.

Ito naman ang sinasabi: Ang panginoon ko ay walang kasinggaling. Ginawa niya ito para malipol ang mga taong pasaway sa amin dito sa isla. Hindi ako mamamatay sa tubig pati ang mga sundalo ko! Hindi nakakamatay ang tubig sa amin!

Pero napatanga si Reyna Coreana sa kanyang mga nakita, pati naaamoy. Ang mga tanim na kinatatakutan ng kanyang mga undead soldiers, libo-libo … o mga milyones yata, naglulutangan, nagkakatas, at kahit yata saan titingin o haharap ang mga undead ay naroroon ang mga ito, kumakapit pa nga sa kanila.

Show comments