Island of the undead - 151

KINAKABAHAN ang lahat. Habang unti-unting nagdidilat ng mga mata si Reyna Coreana.

Tumingin ito sa paligid, sa harapan.

At saka napansin na nakagapos pala siya.

“Lorenz! Paano ako napunta dito? Paano ninyo ako nahuli?”

 “Reyna Coreana ...”

“Reyna Miley! Hindi mo ba nakita ang itsura ko? Ako si Reyna Miley!”

Hindi na lang nakipagtalo si Lorenz. “Reyna Miley, naririto ka ngayon dahil bihag ka namin. Kung tutuusin, puwede ka naming patayin habang natutulog ka. Pero hindi namin ginawa. Dahil kahit anong pang-aapi at kalupitan na natikman namin sa iyo, parehas pa rin kami kung lumaban.”

“Kung parehas kayo, puwes ... tanggalin ninyo itong tali ko!”

Napaisip si Lorenz sa sinabi ni Reyna Miley. Kaya inutos nito ay dahil hindi nito kayang magtanggal sa sarili ng tali.

Ibig sabihin ay limitasyon na naman ito ng kapangyarihan ng reynang masama.

Nakahinga nang ma­luwag s i Lorenz. Pero kailangan pa rin niyang makatiyak.

“Kung talagang maka­pangyarihan ka, kaya mong kalagan ng tali ang sarili mo. Kaya mo ngang gumawa ng mga higanteng undead soldiers, hindi ba?”

Hindi kaagad maka­sagot ang masamang reyna. Alam niyang tina-trap siya ni Lorenz.

Kapag sinabi niyang hindi nga niya kayang kalagan ng tali ang sarili ay para na rin niyang inamin na sa pagkakataon na ito ay talo siya.

Kapag naman sinabi niyang oo, kaya kong kalagan ng tali ang sarili ko! Pero kung hindi naman niya magagawa, matatalo pa rin siya.

Umusal na lang ng dasal na tahimik si Reyna Coreana sa kanyang panginoon na hari ng kadiliman.

Tulungan mo ako, panginoon. Kailangan bigyan mo ako ng kapangyarihan na makalag ang mga tali ko. Hindi maaaring bihag nila ako nang matagal. Ayoko. Gusto n’yo bang pagtatawanan din kayo dahil hindi na pala kayo makapangyarihan nang husto? Kapag hindi ninyo ako nailigtas, ganoon ang mangyayari, liliit ang tingin ng mga ugok na ‘to na sumasamba sa kanilang Diyos ... sa inyo! Oo, liliit ang tingin nila sa inyo! Kaya nakikiusap at sumasamba ako ... sa inyong itim na kapangyarihan ... kalagan ng inyong kamahalan ang mga tali ko!

Patuloy din sa paulit-ulit na pagdasal si Miley sa chamber ni Reyna Coreana.-    ITUTULOY

Show comments