Ilang araw na lang at Pasko na. Kaya naman hindi na magkandaugaga ang iba sa atin sa pag-aayos at paglilinis ng mga gamit natin sa bahay para maging presentable sa ating mga bisita.
Isa sa mga hindi napapansing “problema” ang mga unan sa sala. Sa paglipas ng panahon ay umiimpis at nagmumukhang “walang laman” ang mga ito lalo na kung palaging inuupuan at hinihigaan.
Pero alam n’yo bang hindi kailangang bumili ng bagong mga unan para sa sala set?
Puwedeng magmukhang “malaman” uli ang mga ito sa paraang hindi ka na gagastos pa. Ilabas lang at ibilad ang mga unan ng ilang oras sa initan at bali-baligtarin kada kalahating oras.
Makatutulong ang init ng araw sa “pagsipsip” ng moisture na napupunta sa unan sa kadalasang paggamit ng mga ito. Hindi lang ‘yan, matatanggal din ang mabahong amoy kapag napaarawan ang mga unan.
Pero babala, huwag masyadong patagalin ang pagbilad sa araw ng mga ito dahil maaaring mangupas ang kulay ng tela.
Ito po ang inyong Kumpunerong Kuya na nagsasabing, kung gusto ay maraming paraan!