Ang bansang Bangladesh ay isang hierarchical society. Ibig sabihin, ang mga matatanda at may “kapangyarihan” ang siyang mas binibigyan nila ng respeto at kahalagahan. Kinukunsidera nilang mas matatalino ang mga matatanda dahil sa kanilang mga pinagdaanan na sa buhay.
Maging sa hapag-kainan ay ganito pa rin ang sinusunod. Kung ang isang bisita ay naimbitahan sa isang Bangladeshi home, mas uunahin silang bigyan ng pagkain. Susunod na rito ang mga nakatatanda sa pamilya hanggang sa pinakabata.
Pero ‘wag mauunang kumain hangga’t hindi nagsisimula ang pinakamatanda sa hapag-kainan. Matuto dapat makiramdam bilang paggalang sa kanilang nakaugalian.
Karaniwan namang nakakamay sila kung kumain pero hindi kabastusan kung manghihingi ng kubyertos.
Tulad ng ibang mga bansang Muslim, hindi rin nila kinukunsiderang malinis ang kaliwang kamay. Kaya kanang kamay lang ang gamitin sa pagkain at pag-inom maging sa pag-abot at pagpasa ng pagkain.