Hindi birong magasgasan ang inyong sahig sa tahanan lalo na kung ito ay gawa sa kahoy. Magandang tingnan ang mga hardwood floor pero mahirap itong imintina. Kailangang pangalagaan ito dahil may kamahalan din ang wood flooring.
Isa sa mga problema ng pagkakaroon ng wood flooring ay ang pagiging prone nito sa gasgas. Tulad na lang halimbawa ng dining chairs. Tatlong beses sa isang araw tayong kumakain sa hapag at ibig sabihin din nito’y ganito kadalas ginagalaw ang mga upuan.
Pero may madali at murang solusyon para rito. Ang paggamit ng felt pads na mabibili sa mga hardware ang magsasalba sa inyong wood flooring. Magkabit lang ng feld pads sa mga paa ng upuan na siyang laging ginagamit para makaiwas sa gasgas. Ipako ito nang maayos sa paa ng upuan.
Kung mabibigat namang muwebles ang paggagamitan, maaaring bumili ng rubber pads para hindi rin ito dumulas. Magandang gamitin ito sa mga lamesa o kaya ay cabinet o TV racks.
Ito po ang inyong Kumpunerong Kuya na nagsasabing, kung gusto ay maraming paraan!