Ang pag-akyat ng bundok ay hindi basta-basta, may mga kailangan dapat isaalang-alang gaya ng pagpapalakas ng katawan, tamang pag-aaral sa pupuntahan, pakikisama, at higit sa lahat, ang tamang kaalaman at pagsunod sa mga patakaran.
Bawat bundok sa ‘Pinas ay may rules na kaiba sa ilan, halimbawa riyan ang pagpresenta ng medical certificate bago umakyat ng Mt. Pulag sa Benguet at ang pagbabawal ng pamamasyal, pag-akyat, o lakbay-aral sa Maranat kung walang pahintulot o permiso mula sa DENR at MWSS.
Ngunit sadya atang pasaway ang mga Pilipino kung kaya’t marami pa rin ang nakalulusot sa mga patakarang ito.
Heto ang ilan sa mga prinsipyo na dapat ninyong malaman ayon sa LNT (Leave No Trace):
Magplano ng mabuti at maging handa, alamin ang mga regulations ng area na iyong pupuntahan. Alamin ang panahon, at kung maaari ay pumunta ng mas maliit na grupo lamang.
Mag-camp sa matitigas na bahagi ng bundok kung saan walang vegetation (mga halaman) at dapat ay malayo sa yamang-tubig upang hindi madumihan ang tubig na ginagamit ng mga lokal sa ibabang bahagi ng bundok. Dumaan sa mga lumang daanan kahit maputik; ‘wag na ‘wag gagawa ng bagong daanan upang maiwasan ang pagkasira ng bundok.
Itapon ng maayos at tama ang mga kalat.
Kung ano ang iyong inakyat ay iyo ring ibababa, simple pero hindi nasusunod ng lahat. Ang patakaran na ito ay hindi lang dapat gawin sa bundok kundi maging sa bawat oras.
Ang kalat gaya ng plastic, wet and dry tissue, lata, bote ay malabong matunaw, nagduduot din ito ng makapinsalang gas sa tao at sa kapaligiran. (Itutuloy…)