Island of the undead (117)

HINDI halos humihinga sina Miley habang hinihintay ang gagawing pagsulat ni Doktor Larry.

Kumilos na nga ang doctor, hawak ang stick, tumungo, nakatingin na ngayon sa malinis at malapad na buhangin sa harapan.

Nakita nilang lahat na parang nag-aalinlangan ang doctor.

Tumingin sa buhangin, tumingin sa hawak na stick at pagkatapos ay tumingin kay Doktora Joanne.

Saka tumingin kina Miley.

“Dok! Ano pa ba ang hinihintay po ninyo?” Nainip si Blizzard.

Pinandilatan ito ni Miley. “Blizzard, pwede ba? Hindi ka nakakatulong, e.”

Para na namang nasampal si Blizzard sa pagsita sa kanya ni Miley.

Si Lorenz naman ay positive ang approach sa doctor. “Teka, baka naman ho kailangan ninyo ng magagaya. Sandali lang ho ...” At dumampot din ng parang stick si Lorenz.

Saka ito ginamit pansulat sa buhangin. “This is your name, Dok. LARRY.”

Isinulat ng malaki ang L, kasunod ang iba pang letters.”

“Ganyan, Dok. Gayahin n’yo lang. I’m sure kapag nasimulan ay magiging madali na ang iba pang pagsulat.”

Sumulat na nga sa buhangin ang doctor na naging undead. Noong una, hindi pa masyadong klaro ang L. Pero ang A, may improvement. Ang dalawang R, maayos na maayos na. Ang Y sulat na ng isang normal na tao.

Sigawan at palak­pakan sina Miley.    “Yeheeeey!Nagawa ni Dok! Ang galing mo talaga, Lorenz. Nakaka-inspire ka sa mga kaibigan mo.”

Si Blizzard, lumayo na lang. Ayaw na niyang marinig pa ang mga papuri ni Miley para kay Lorenz.

“Ngayon po, Dok ... makinig kayo sa tanong ko at pakisulat ang matinong sagot. Magkaiba po ba ang mga halaman na nakuha natin noon sa dagat at ang mga halaman na nakuha lang namin sa burol? Pero ang physical na anyo nila po ay parehong-pareho.”

Sumulat ng sagot si Doktor Larry. “Pareho sila ng itsura. Pero pagkumparahin ninyo ang mga dulo ng dahon, iba ang shade ng green ng mga nasa burol. Maputla nang konti. Almost not visible to the human eyes ang kaibahan ng shades of green ng dalawa.”

Nabasa ng klaro nina Miley at iba pa ang sagot ng doctor.

“Kung ganoon, talagang hindi namin mapapakina­bangan ang mga bulaklak sa burol?” Mangiyak-ngiyak na tanong ni Miley. Itutuloy

Show comments