NAKAAKYAT na si Miley sa mga batuhang kinaroroonan ng mga tanim na kinatatakutan ng mga undead ang kabanguhan.
Agad niyang ikinumpara ang dala niya sa mga nasa lupa.
Napangiti si Miley. “Parehong-pareho! At ang dami nila! Ito na nga ang kaligtasan namin!
“Kapag sabay-sabay namin silang pinipisa ay hahalimuyak nang husto sa buong paligid. O maaring sa buong isla. At mamamatay na ang mga undead pati si Reyna Coreana!”
Sumenyas agad si Miley sa mga kasama, sabay sigaw. “Halina kayo dito! Tulungan n’yo akong mag-harvest ng mga tanim na tagapagligtas natin!”
“Ang galing! At nahanap na nga natin ang panlaban sa mga impakto!” Sigaw ni Mang Anong.
“Pero hindi pa rin nasagot ang tanong ko, e. Kung talagang ang mga ‘yan ay tulad ng mga tanim na nakuha natin sa ilalim ng dagat, bakit ang mga ‘yan ay nasa mga lupa at batuhan?”
“Siguro hindi namimili ng lugar ang mga tanim na ‘to! Pwede sa ilalim ng dagat, pwede sa mga batuhan, p’wede rin sa lupa!” Sagot naman ng isa pang tao ni Lorenz.
“Ano pa ang hinihintay natin? Tulungan na natin si Miley na manguha ng mga panlaban na tanim!”
Kahit ang mga duda ay nagsipagtakbo na rin sa kinaroroonan ni Miley.
Umakyat sa gilid ng bundok.
At maganang namutol ng mga tanim. Maingat sila. Hindi nila binubunot pati ang ugat. Gusto nilang laging may kapalit. Hindi mauubos ang kanilang mga sandata.
Mga malalaking dahon ng ibang tanim ang ginawang lalagyan nina Miley.
Bawat tao, may dala. Ang iba, hindi magkandaugaga sa pagbitbit.
At pinisa nila ang ilan sa mga tanim.
Humalimuyak ang kanilang kinalalagyan.
Napaiyak si Miley pati ang mga kasama.
“Naamoy n’yo naman ang bango, hindi ba? Pati bango, parehong-pareho sa mga nakuha natin sa ilalim ng dagat. Kaya tagumpay tayo, mga kasama!”
Nag-iyakan, nagyakapan, ang lahat.
Mawawala na sa islang ito ang mga pangit at malulupit na undead kaya ngayon pa lang nagbubunyi na sila.
“Ano pa ang hinihintay natin, Miley? Sumugod na tayo! Pisain na natin ang mga tanim na ito at isaboy o ibato sa mga undead para siguradong mamamatay sila!”- ITUTULOY