Problemado ba kayo sa mga gasgas sa inyong mga muwebles sanhi ng batang makulit o alagang hayop na malikot? Puwes puwede nang pakintabin uli ang mga kasangkapan sa bahay.
May tatlong madaling paraan para matanggal ang gasgas. Una, maaaring gumamit ng crayons at blow dryer. Pumili lang ng crayon na may pinakamalapit na kulay sa muwebles na tatanggalan ng gasgas. Kulayan ang bahagi na may gasgas. I-set sa high ang blow dryer at itutok ito habang pinupunasan ng basahan.
Kung gawa naman sa mahogany o cherry wood ang inyong muwebles, maaaring gumamit ng iodine na nabibili sa mga botika. Pahiran lang ang bahagi ng gasgas at punasan ng basahan. Maaaring ulitin ang proseso hangga’t may nakikita pang gasgas.
Kung ang muwebles ay gawa sa light wood, maaaring gumamit ng pecan o walnuts. Ikuskos lang ang nut at punasan ng basahan. Ang natural oil mula sa nuts na ito ang magic na nagtatanggal ng gasgas.
Tandaan, lahat ng prosesong ito ay hindi makasisira sa inyong kagamitan. Kaya kung hindi umepekto ang isa, ay subukan ang iba pang paraan.
Ito po ang inyong Kumpunerong Kuya na nagsasabing, kung gusto ay maraming paraan!