Dear Vanezza,
Nagkahiwalay po ang aking ama at ina noong 4 na taong gulang ako at hindi ko alam ang simula ng paghihiwalay nila ng landas. Nag-asawa agad si Nanay. Ang akala ko nung una mabait ang amain ko. Pero hindi pala. Palaging lasing at ako ang laging napagbabalingan. Sa konting pagkakamali ay sinasaktan ako at lagi niyang sinasabi sa akin na lumayas na ako. Nang edad 11 na ako, nagpasya akong umalis sa bahay namin. Sumakay ako ng barko pa Maynila mula sa Masbate at napadpad ako sa Divisioria. May nakilala akong isang ka-edad ko rin. Ipinakilala niya ako sa tatay niya. Inalok ako ng tatay niya na sa kanila na tumira para may makalaro ang kanyang anak. Noon ay edad 14 na ako at pumayag ako sa alok nila. Hindi nagbago ang kanilang pagtingin sa akin hanggang sa magbinata na ako. Minsan mayroon akong dinaluhang sayawan at hindi ko alam na ito ang pagsisimulan ng aking malungkot at magulo kong buhay. Hindi sinasadya, nakabuntis ako ng babae na hindi ko naman mahal. Naibabaling ko ang galit ko sa aking mag-ina dahil sa aking karanasan nung bata ako. Gusto kong kamuhian ang aking mga magulang dahil sa pagpapabaya nila sa akin? Kinasabikan ko ang kanilang pagmamahal na hindi ko naramdaman kaya ako napaglulupitan ko ang aking mag-ina. - Milo
Dear Milo,
Huwag mo nang kamuhian ang iyong mga magulang sa pagkakahiwalay nila. Mayroong mga pangyayari sa ating buhay na hindi natin puwedeng kontrolin. Nakaraan na iyon. Magsimula ka ng bagong pamilya at mahalin ang asawa at anak mo. Imbes na magalit ka sa iyong asawa at anak ay tanggapin mo sila. Ibigay mo ang pagmamahal na hindi mo naramdaman sa iyong magulang. Huwag mo ipagkait sa kanilang ang tunay na pagkalinga ngayon tatay ka na. Hindi pa huli ang lahat. God bless.
Sumasaiyo,
Vanezza