Tatlong daang taon na nakaraan.
Halos ubos na nga ang mga taong hindi tinamaan ng sumpa, ng sakit na nakakadiri. Mga bukul-bukol sa buong mukha at katawan. At pagkatapos sabay-sabay na puputok at matutunaw ang mga balat at laman.
Masisilip ang mga buto ng mga taong isinumpa. Pati mga lamang-loob ay halos tunaw na pero kung bakit buhay na buhay pa.
Puro iyakan at pananaghoy. Ni wala namang nakaisip magdasal dahil siguro hindi nakasanayan.
Galit ang umiiral. Ang iba pa nga ay nagalit pa sa Diyos.
“May Diyos nga ba? Wala! Walaaaa!” Sigaw ng isang lalaking naaagnas.
“Wala nga! Dahil kung meron de sana hindi ito nangyari! Hindi ako naniniwala sa Diyos! Hindi naaaa!” Isang babaing naaagnas naman na galit din sa langit.
Para na nga ring pinabayaan ang isla dahil walang kumikilala sa Maylikha. Lahat ay mga buhay pero daig pa ang patay.
Mga kalansay at mga natitirang laman lamang ang mga nilikhang isinumpa. Ang nakakapagtaka, nagugutom pa rin sila.
Ang mga hayop na hindi naisali sa sumpa ay kawawa sa kanila. Pinaghahabol nila ang mga ito.
Ang mga nahuli ay hindi na kailangang lutuin.
Kahit buhay pa nga ay kinakagat na, ginugutay ng bibig ... inuubos kahit buto.
Naging cannibals na yata ang mga isinumpa. Hindi lamang ang kanilang itsura ang kadiri, pati ang naging pamumuhay ay hindi na normal.
Ilang buwan lang ang nakaraan at ibang-iba na ang dating magandang isla. Wala nang mga hayop. Pati ang mga tanim na puwedeng kainin ay ubos na rin.
Ang mga undead kapag busog na ay basta na lang hihilata. Hindi na kailangang maligo, maglinis ng bahay, magtanim at iba pang dating ginagawa bilang normal na tao.
Natatanggap na rin nila ang kanilang kapalaran. Ngayon nga ay marami nang natutuwa.
“Buhay tayo, hindi mamamatay! Nakakalasa pa rin nang masarap! Pati nga normal na tao kung meron lang sana ay kaysarap ding kainin! Kaya dapat ay magsaya tayo! Tayo ay hindi namamatay! Ang dapat itawag sa atin ay mga undead! Kaya ang islang ito ay ... Island of The Undead!” Ang nagsalita ay babaing agnas, si Coreana. Nag-aral siya sa siyudad, nagkataong nasa isla nagbabakasyon nang tumama ang sumpa. Itutuloy