NARINIG ni Miley ang sinabi ni Doktor Larry kay Doktora Joanne. Na si Reyna Coreana na naging kahawig na niya ay maaagnas din pala.
Pabulong na sumabad ang magandang young lady. “Totoo po ba ‘yan? Matutunaw din pala ang kagandahan niya?”
Pabulong din na sumagot si Doktor Larry. “Anything not real will not last, Miley. Dapat alam mo ‘yon. Lalo na, wala namang endless supply dito sa isla ng mga medical materials para sa reconstruction ng mukha at katawan.”
“Pero magagalit na naman ‘yan kapag nasisira ang beauty niya. Ano na naman ang gagawin sa atin?” Nag-aalala ang dalaga, ayaw niyang isipin na siya naman ang gagawing taong aso o ano pa mang hayop na hahawigan niya.
“Let’s just cross the bridge when we get there, Miley. Puwedeng makakasama sa atin ang bagay na ito puwede rin namang magagamit natin to bargain for our lives and freedom.”
Nakita sila ng reyna. “Ano ‘yon? Ano ‘yon? Pinagtsitsismisan n’yo ba ako?”
“Hindi naman, mahal na reyna. Nagtanong lang kasi si Miley kung madali bang gawin ang bungalow na yari sa kahoy?”
“Walang mahirap at madali basta gusto ko! Ano pa ba ang hinihintay ninyo? Mamutol at mangolekta na kayo ng kahoy para sa bahay ko. At may deadline lang kayo ng isang linggo para tapusin ang home sweet home ko.”
Takot na pumasok sa gubat ang tatlong tao at isang taong aso. Si Blizzard ay lagi talagang nakadikit kay Miley.
“Sana may matatagpuan tayong miracle sa gubat. Na magpapalaya sa atin sa isinumpang islang ito.” Sabi ni Miley kay Blizzard habang hirap na naglalakad sa masukal na gubat.
“Kung malalaman lang din sana natin ang history ng islang ito at ang mga undead na nakatira Rito, baka sakaling madali nating matuklasan kung paano natin sila matatalo.” Napapailing na sinabi ni Doktor Larry.
“May koneksiyo ho ba ‘yon, Dok?” Tanong ni Miley.
“Aba’y oo. Naniniwala akong mga normal na tao ang mga ‘yan dati. May mga puso rin. May mga kunsensya. Kung bakit sila nagkakaganyan, sana alam natin.”
SI REYNA COREANA ay walang tigil sa pagtingin sa salamin. Sa kanyang mukha na Miley na Miley. Hindi siya makapaniwalang bigla siyang gumanda.
“Ang galing talaga ng cosmetic surgeon na naligaw dito. Mas maganda pa ako kaysa dati kong itsura noong normal na tao pa ako … tatlong taon ang nakaraan.”
Itutuloy