TATLONG DAANG TAONG NAKARAAN.
Matapos isumpa ng isa sa mga pinatay na dayuhan ang taga-Isla Awitan, nagkaroon ng epidemiyang sakit.
Nagkahawa-hawa.
“Pedro! Ang mukha mo, puro bukol na rin! Nagpunta ka lang sa palengke, nagkaganyan ka na!” Yanig ang isang babae sa kanyang asawa.
“Hindi na kasi ako dapat pumunta doon pero sabi mo kasi, matagal na tayong walang matinong ulam. Puro na bukol ang mga tao doon, Sepya!”
“Paano ‘yan? Kailangang hindi mo kami mahahawa ng mga anak mo!”
“Ano ngayon ang gusto mo? Pinapaalis mo ba ako? Sa totoo lang, halos lahat na ay may mga bukol na sa mukha at katawan!”
Tumakbo ang dalawang bata sa kanilang mga magulang.
“Inay! Itay! Ang kati-kati saka ang sakit-sakit ng mukha at katawan namin!”
“Hindi naman kayo lumalabas, a! Nahawa rin kayo?” Hindi makapaniwala si Sepya.
“Sabi ko na sa iyo, Sepya e! Nasa hangin na ang mga mikrobyo! Wala nang makakaligtas!”
Ilang sandali pa at lumalala na ang pakiramdam ng buong mag-anak. Kaybilis napisa ang mga bukol, lumabas ang dugo at nana.
Hanggang sa nabalot na ng mga bukol ang buo nilang katawan. Sakit na ang umiiral, hindi pangangati.
Hindi sila makakuha ng gamot. At hindi nila puwedeng gamutin ang sarili. Ni hindi nga nila puwedeng pahirin ang dugo at nana.
Dahil ang mga kamay nila ay puro bukol at nakakamatay ang sakit.
Nakahiga na lang ang buong mag-anak sa sahig, dumadaing.
SA ISANG malaking bahay na bato ay nagdadaingan na rin ang mga maharlikang nakatira.
Sila ang pinakamayaman na angkan. At pinakamaganda ang kaisa-isang anak na dalaga na si Trinidad.
Nakatingin si Trinidad sa mga nakakadiring anyo ng mga magulang. Na naghihingalo na. Napisa na ang lahat na bukol at puro dugo at nana ang mga katawan ng mga ito.
“Inaaa! Amaaaa! Bakit ito nangyayari sa inyo? Dadalhin ko kayo sa siyudad, hahanap ako ng makakagamot sa inyo! Hintay lang kayo! Ipapahanda ko ang karwahe at sasakyang-dagat!”
Agad lumabas sa bahay na bato si Trinidad. Hinanap ang mga tauhan ng kanilang napakalaking bahay.
Pero napasigaw siya nang nakita ang mga ito.
Nauna pang namatay ang mga tauhan nila. Nakakadiri ang mga itsura. - ITUTULOY