Paboritong pagkain sa agahan ang itlog – mapa-nilaga, pinirito, o scrambled ay swak na swak sa pangkape ng mga Pinoy. Kahit nga sa merienda o gabi ay masarap pa rin kainin ang itlog ‘di ba? Pero minsan ba ay sumagi na sa inyong isipan ang tanong na ito?
May itlog ba kayong matagal nang nasa egg rack at lampas na sa “consume before date” nito? O kaya naman ay itlog na hindi n’yo na maalala kung gaano n’yo na katagal nabili sa palengke? ‘Wag uminit ang ulo at panghinayangan dahil may pag-asa pa na maaaring hindi pa bulok ang itlog at puwede pang kainin! May ibabahagi akong sikreto para malaman kung fresh pa ba ang itlog mo! Uy, baka amuy-amoyin mo pa ‘yan ha? Ha ha ha.
Ilublob lang ang itlog sa isang lalagyang may tubig at hintayin kung ito’y lulubog o lulutang. Puwede pang gamitin at kainin ang itlog kapag lumubog ito nang patagilid. Kung lumubog naman pero patayo, maaari pa rin naman itong kainin pero dapat ay agad-agad at mas maganda kung hard boiled ang pagkakaluto nito. Kapag lumutang naman ang itlog, isa lang ang ibig sabihin niyan, bulok na ang itlog mo! Ha ha ha ha.
Pero ang galing ‘di ba? Ang balat kasi ng itlog (eggshell) ay very porous, ibig sabihin ay may maliliit itong butas na parang sponge. Ang maliliit na butas ay pinapasukan ng hangin, kaya’t habang tumatagal o “tumatanda” ang itlog ay mas maraming hangin na ang nakapapasok dito. Ang resulta ay ang paglubog o paglutang ng itlog.
Kaya kapag lumutang na ang itlog sa isang lalagyang may tubig ay siguradong matagal na ito at hindi na magandang kainin.
Sa susunod na mayroon pa kayong itlog na hindi n’yo na maalala kung kailan n’yo nabili, maiiwasang masayang ito sa pagtsek kung ito’y bulok na o hindi pa at maaari pang kainin.
O, itsek n’yo na kung fresh pa ba ang mga itlog n’yo. Burp!