Island of the undead (45)

SAKAY na nga ng helicopter pabalik sa kabihasnan sina Miley at Blizzard. Kasalukuyan silang papatawid ng karagatan.

Tanaw ng dalaga ang balsang sinakyan nila, inaanod sa malawak na katubigan ng Pilipinas.

KATAKATAK-KATAKK. Musika sa pandinig ni Miley ang maingay na tunog ng chopper. Naglalaro na sa isipan ng dalaga ang normal na buhay.

Magkatabi sila ni Blizzard sa sasakyang panghimpapawid. Umaasam na siya ng regular na pamilya—meron nang mga anak na palalakihin.

“Anong oras na ho?” tanong ni Miley sa piloto, halatang inip na inip nang makalapag sa kalupaan sa  lunsod.

Natawa ang piloto. “Ha-ha!”

Tinanaw nito ang malapit-lapit nang destinasyon. “We’ll be there before you could even say... EUREKA!”

Napakalaking kayabangan, nalimutan ng piloto na hindi hawak ng sinumang tao ang kapalaran.

“Aaaahhh! Bumubulusok tayooo! Mamamatay tayong lahaaat!”

Hindi lahat. Sa huling mga segundo ay nakatalon na agad sa tubig sina Miley at Blizzard!

Pero sinusundan sila ng mga pating! Naaamoy ng mga ito ang dalawang tao! Kakainin  ng mga pating ang naiibang putahe!

Siguro’y sinuwerte ang young lovers na sila ay nakalapit pa sa balsang inaanod ng malakas na alon.

Nakasakay na sila rito nang parehong buo, hindi man lang nagurlisan ng mga pating.

EWAN kung ilang oras silang nanatili sa dagat, inabot na doon ng dilim at liwanag; ng magkasunod na gabi at araw.

Naunang nagising sa sikat ng araw si Miley. Nabuhay ang kanyang pag-asa sa natanaw na kalupaan.

Pero bigla ay naguluhan si Miley. Something is wrong, very wrong.

“Hu-hu-huuu...”  B umalik lang pala sila sa Island of the Undead! Sa kinasusuklamang lugar din napadpad!  (Itutuloy)

Show comments