Hindi pa huli para lumigaya

Dear Vanezza,

I’m 50 years old at isang matandang dalaga. May dalawa akong pamangkin na napagtapos ko sa kolehiyo. Mula pagkabata nila ay ako na ang kinilala nilang ina. Magkapatid sila at parehong patay na ang kanilang magulang. Alam nilang tita lang nila ako pero higit pa sa ina ang turing nila sa akin. Ngayo’y may asawa na silang pareho. Nung 30 years old ako ay nagbalak kaming magpakasal ng bf ko. Pero naaksidente ang kapatid ko at asawa niya na kapwa sila namatay kaya napunta sa akin ang dalawa kong pamangkin. Dahil dito, naipagpaliban ko ang kasal namin ng bf ko. Nag-asawa tuloy siya sa iba. Ngayo’y biyudo na siya at bumabalik sa akin. Magpakasal daw kami. Mahal ko pa rin siya pero nahihiya ako sa dalawa kong pamangkin at baka kung ano ang isipin nila. Ano ang maipapayo ninyo? - Rosy

Dear Rosy,

Kinalinga mo ang iyong mga pamangkin at tinalikdan ang sarili mong kaligayahan. Panahon na para harapin mo naman ang iyong kinabukasan. Walang mali at walang masama kung magpapakasal kayo. Ang dapat mong gawin ay kausapin mo ang mga itinuturing mong anak at sabihin ang balak mo. Tiyak kong hindi nila hahadlangan ang iyong pasya at mauunawaan nila ang malaking sakripisyong iyong ginawa. Hindi pa huli para ka lumigaya.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments