Island of the undead 34
NASA harap na nga ng SURGEONS’ CLINIC ang tatlong UNDEAD. Dudukutin nila ang mag-asawang siruhano.
Ang tatlo—sina Bangekngek, Kurikongkong at Timbombong—ay pawang hindi nakikita, sa mahika ng reyna ay mga invisible.
Nag-doorbell sila. DING. DONG.
Isang female assistant ng mag-asawang surgeons ang nagbukas ng pintong gawa sa narra.
Kre-e-ek. Umingit ang antigong pinto.
Napakamot sa ulo ang may-itsurang assistant. Bakit wala siyang makitang tao sa labas ng pintuan?
Sa tulong pa rin ng mahika ni Reyna Coreana, ginamitan ni Bangekngek ng hipnotismo ang assistant.
“Susunod ka sa lahat kong utos.”
“Opo, susunod po ako, sa lahat na utos,” tango-bulong ng assistant.
Nakapasok na sa klinika ang tatlong Undead; naroon ang mag-asawang surgeons at nanananghalian.
Nagtaka ang mga ito sa anyo ng assistant. “Miss Georgia, what happned to you? Bakit para kang tuod?”
Hindi nga nakikita ng mag-asawa ang mga Undead.
Pero dinig nila ang bahaw na tinig ni Bangekngek. “Ihanda n’yong dalawa ang lahat ninyong surgical equipments.”
Kinilabutan ang mag-asawa, naunawaang may bad spirits sa kanilang presencia. Nanlamig sila sa takot.
“L-Larry...”
“K-kakayanin natin ‘to, Joanne...”
Sa tulong nga ng assistant, walang choice ang mag-asawang surgeons kundi ang sumunod sa utos. Lahat nga ng portable na gamit ay inilagay sa dalawang malalaking kahon.
Sa main road sa harap ng klinika, bumulaga sa mag-asawa ang karuwaheng may puting kabayong malalaki ang pakpak.
“Oh my God... s-saan galing ‘yan?”
“Sakay, dalian ninyo!” utos ni Bangekngek. (ITUTULOY)
- Latest