Rock It Fries ng Burger King lumalaban sa Shake Shake Fries

Aba, may kalaban na pala ang Shake Shake Fries ng Mcdonald’s, ang french fries upgrade na may iba’t ibang flavors. Eh kahit naman plain na french fries walang makatatanggi sa isa sa mga sinasabing unhealtiest junk food! Talaga naman kasing amoy pa lang nito ay katakam-takam na. Oh, sabihin n’yong hindi!

Naalala ko pa nga noong college kami, kaligayahan na ng barkada ko ang french fries. Minsan bibili kami at pagsasama-samahin sa isang tray! Presto, bonding time na ng barkada.

Pero balik tayo sa nakita kong lumalaban sa Shake Shake Fries, habang nag-iikot kasi sa mall at naghahanap ng makakainan ay napatingin kami sa bagong poster ng Burger King (BK) na Rock It Fries. Bongga at nakatatakam ang litrato ng fries at nakakaintriga rin kung masarap ba ito.

Kaya naman hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang inyong lingkod at sinubukang mag-order ng pina­kabago sa menu ng BK at para ibahagi sa inyo ang aking experience. May dalawang flavors ang Rock It Fries, ang Cajun BBQ Parmesan at Maple Bacon. Tatlong flavors naman ang ino-offer ng naunang ‘nagpauso’ nito, ang Mcdo - BBQ, Pizza, at Cheesy Butter. Nagkakahalaga ng P59.00 ang isang order na walang kasamang drinks ang Rock It Fries. Medyo mas mura kumpara sa isang order ng Shake Shake Fries ng Mcdo na nagkakahalaga naman ng P65.00. Nakalagay sa isang plastic cup na karaniwang lalagyan ng fresh fruit salad sa mga grocery ang Rock It Fries, mas presentable kaysa sa paper bag ng Mcdo. Nakakaaliw din dahil may instructions pa kung paano ito i-prepare. Ang kaibahan din ng Rock It Fries, may sauce itong kasama bukod sa seasoning powder. Sa Shake Shake Fries kasi, powder lang ang ibubudbod mo sa french fries.

So, pagkatapos kong magrak-en rol to the world, este i-prepare ang Rock It Fries excited na akong tikman ito. Siyempre, iba ang hitsura ng nasa poster nila sa totoong hitsura ng order ko. Medyo nadismaya ako pero hindi naman ako nawalan ng pag-asa dahil mukha pa rin naman itong masarap. Maple Bacon pala ang flavor ng aking in-order dahil ayon sa kahera, ito raw ang mas mabenta. Well, masarap naman siya sa unang tikim pa lang pero pamilyar ang lasa dahil lasa itong V-cut na sitsirya!

Hindi man ito ang inaasahan ko sa lasa ng Rock It Fries, palagay ko ay naka-deliver naman ang sumusubok na kalabanin ang Shake Shake Fries ng Mcdo. Kung sa pres­yo lang, dito na ako sa BK pero medyo madumi pala itong kainin dahil sa sauce at hindi magkasya ang kamay ko sa plastic cup. Kung sa labas mo ito kakainin, mas pabor ako sa Shake Shake Fries dahil sa paper bag ito na­kalagay. Puwera na lang kung gagamit ka ng tinidor sa Rock It Fries (pa-sosyal), He He He.

Kaya naman ang ­rating ng Rock It Fries ng BK ay 3 out of 5. Burp!

Show comments