‘Wag magtanim ng sama ng loob

Dear Vanezza,

Itago n’yo na lang po ako sa pangalang Ms. Virgo, 21 years old. Ang problema ko ay ang magulang ko. Sampu kaming magkakapatid. Kaya lang may isa silang paborito. Pinatapos nila ng pag-aaral ang paborito nilang anak sa ama. Kinausap ko ang magulang ko na gusto ko rin mag-aral. Ang sabi sa akin hindi raw nila ako kayang paaralin. Umiyak ako ng umiyak. Kinaumagahan naghanap ako ng trabaho at natanggap ako. Payuhan po ninyo ako. 

Dear Ms. Virgo,

Ngayong may trabaho ka na, sikapin mong makapag-ipon para makapag-aral muli. Maraming tulad mo na self-supporting ang nagsisikap para sa katuparan ng kanilang mga pangarap. Hayaan mo na kung may paborito mang anak ang iyong magulang. Marahil ay may dahilan sila kung bakit ito ang pinagtapos nila. Huwag kang magalit sa kanila. Hadlang sa pag-unlad ng isang tao ang pagtatanim ng sama ng loob sa kapwa lalo na sa magulang. Pagbutihin mo na lang ang iyong trabaho. Natitiyak ko na ang isang tulad mo na may magandang layunin sa buhay ay abot kamay ang tagumpay.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments