GUMAGALAW-GALAW. Kumikislot-kislot ang kalansay. Lasug-lasog. Pero buhay. Nagsasalita pa nga ang bungo na natapyas.
Sumisigaw ito.
“Mahal na Reyna Coreana! Maawa kayo! Ipatali n’yo naman ang kalansay ko para mabuo! Ayokong habang-buhay ay dito na lang ako!”
Binale-wala ang sigaw na iyon. Sina Miley at Blizzard ang hinarap ng reyna. “Hindi namin kayo kakainin. Pero kayo ang mga alipin ko mula ngayon!”
Muntik nang masuka si Blizzard. Talagang nakakasuka ang amoy ng mga undead, nabubulok sila pero hindi natutunaw. Kahit may mga uod na ang karamihan at nangangamoy ... iyon na nga, ayaw mamatay-matay.
Isipin lang na magsisilbi sila sa reyna na kaybaho rin at nakakadiri, na lagi silang mapapadikit dito ... parang hindi kakayanin ni Blizzard.
Hindi nga kinaya.
Nahilo si Blizzard, parang kandilang nauupos.
Pero alerto at mabilis ngang mag-isip si Miley. Alam niyang kapag nainsulto ang reyna dahil sa reaksiyon ni Blizzard, manganganib na naman sila.
Agad niyakap ni Miley ang nobyo. “Blizzard! Huwag ka namang himatayin dahil sa tuwa na magsisilbi tayo sa napakagandang reyna! Hoy, umayos ka na!”
Palihim na kinurot ng napakapino ni Miley ang tagiliran ng nobyo para mahimasmasan ito. Napatayo nga uli ng tuwid si Blizzard.
Napangiti naman si Reyna Coreana, nabola. “Salamat naman at marunong kayong tumingin ng totoong kagandahan. At ako nga ‘yon. Talagang isang karangalan ninyo na mapili kong mga alipin. Sige na, sumama na kayo sa amin. Magsisimula na kayo sa inyong tungkulin sa bago ninyong reyna. Ang unang-una ninyong gagawin ay ...”
Parehong hindi halos humihinga ang young lovers. Alam nila, it will be a nightmare ... kung ano man ang unang ipagagawa sa kanila.
“Ay, saka ko na nga lang sasabihin. Basta matutuwa kayo sa gagawin ninyo sa akin! Hihihi!” Kinilig pa ang walang kamatayang nilalang.
Gumaya rin ang mga minions. Humahagikhik din. Hikhikhikhik.
Ayaw ni Blizzard ng bitin na impiyerno.
Ang gusto niya ay ngayon na niya malalaman ang kung ano mang pagdudusahan nila ni Miley. “Sabihin n’yo na ho! Para mapaghandaan na namin!”
Mahinhin na ngumiti si Reyna Coreana. “O sige na nga. Ang una ninyong tungkulin sa akin ay ... paliguan ako! Hihihi!” ITUTULOY