Na-imagine n’yo ba kung hindi kulay orange ang carrots na panahog sa afritada, menudo, at pansit? Puwes, ang totoong kulay ng carrots ay hindi orange kundi ube o purple. Oo, purple ang carrots bago pa naka-develop ang mga magsasakang Dutch noong late 16th century ng matamis at kulay orange na mayroon tayo ngayon. Nagkaroon din ng mga mutated version ang carrots na kulay dilaw at puti. Pero dahil sa masyado itong payat at hindi masarap kaya itinigil na rin ang pag-produce ng mga ito.
Ang carrots ay mayaman din sa Bitamina A at marami itong health benefits na nakapagbibigay sa atin ng magandang kutis, panlaban sa sakit na cancer, at magandang anti-aging.
Narito ang ilan lamang sa napakaraming benefits ng pagkain ng carrots:
- Pampalinaw ng paningin. Naaalala n’yo pa ba noong kabataan n’yo kapag sinasabihan kayo ng inyong mga magulang na “pampalinaw” ng mata ang carrots? Maniwala kayo sa kanila dahil ang carrots ay mayaman sa beta-carotene na nako-convert sa Vitamin A sa ating atay. Nata-transform ang Vitamin A sa retina ng mata – sa rhodopsin, isang pigment na may kinalaman sa ating night vision).
- Nakatutulong sa pag-iwas sa sakit na cancer. Ayon sa mga pag-aaral, nakatutulong ang pagkain ng carrots para makaiwas sa lung cancer, breast cancer, at colon cancer. Nadiskubre ng mga researcher ang falcarinol at falcarindiol na sa tingin nila na siyang may anti-cancer properties.
- Iwas impeksyon. Maaari rin gamitin ang ginadgad na hilaw na carrots o kaya’y pinakuluan at dinurog para makaiwas sa impeksyon sa natamong sugat.
- Proteksyon sa ngipin at gilagid. Ang pagkain ng malutong na carrots, mas maganda kung hilaw, ay nakatutulong sa paglinis ng ating mga ngipin at bibig. Tinatanggal nito ang mga plaque at tinga sa ngipin tulad ng paggamit ng toothbrush o toothpaste. Nakakapag-trigger din ito sa pag-produce ng laway sa ating bibig na siyang nagbabalanse ng acid-forming at cavity-forming bacteria sa ating bibig.
Kaya sa susunod na makakita kayo ng carrots sa pansit, menudo, afritada, o kahit ano pang putahe, huwag n’yong sayangin at isantabi dahil sa taglay na bitamina ng gulay na ito. Burp! Sources: http://www.care2.com/greenliving/10-benefits-of-carrots http://www.todayifoundout.com/index.php/2011/01/10-fascinating-food-facts.