Dear Vanezza,
Ako po’y taga Navotas. Noong binata pa ako ay gusto kong magsundalo. Nagti-training na nga ako nuon sa Phil. Marines pero pinakiusapan ako ng nanay ko na huwag nang magsundalo. Napilitan akong sumunod sa kanya dahil ayaw ko siyang nag-aalala. Hanggang sa naipasok ako ng aking kapatid sa isang kompanya sa Taguig. Ang akala ko noon, tuluy-tuloy na ang magandang kapalaran ko. Nagkaroon ako ng live-in partner. Kahit hindi kami kasal, daig pa namin ang may basbas ng huwes at simbahan sa maganda naming pagsasama sa hirap at ginhawa. Kaya lang naputol ang magandang kapalarang ito nang may mangyaring aberya sa buhay ko. Napa-trouble ang mga kaibigan ko at nadamay ako. Kasama ako sa kinasuhan. Nawalan tuloy ako ng trabaho tapos iniwan ako ng live-in partner ko. Hindi na siya nagpakita sa akin at nabalitaan ko na lang na may iba na siya. Akala ko hindi niya ako iiwan, pagdating pala sa hirap ako na lang mag-isa. - Bimbo
Dear Bimbo,
Talagang kung minsan, hindi mo man hanapin ang gulo, kusa itong humaharang sa dadaanan mo. Ituring mong pagsubok ang nangyari at matuto sa karanasang ito. Huwag mo na ring ipagsintir ang pagtalikod sa iyo ng iyong ka-live-in. Ipagpasalamat mo na lang na hindi pa kayo kasal ng mangyari ‘yan. Makakatagpo ka rin ng higit sa kanya. Panatilihin mong kalmado ang iyong loob at huwag daanin sa init ng ulo ang kasawian mong dinanas.