Hindi na magkakaanak, dapat pa bang mag-asawa?

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang akong Joana, 26, dalaga at may bf na nagyayaya na sa akin na magpakasal. Ngunit may lihim akong hindi niya nalalaman. Noong 21 years old ako, nagkaroon ako ng tumor sa matres at inoperahan ako. Hindi naman ito malignat pero nakaapekto ito sa aking fertility. Sabi ng aking doktor ay hindi na ako magkakaanak. Kaya ito ang naging malaki kong problema. Gusto na ng bf ko na magpakasal kami. Mabait ang bf ko at mayroon na kaming joint account para sa aming future. Kapag namamasyal kami o kumakain sa labas lagi niyang sinasabi sa akin na gusto niyang magkaroon ng limang anak. Hindi ako makasagot. Natatakot ako sa magiging reaksiyon niya kapag nalaman niya ang totoo. Mahal na mahal ko kasi siya at ayaw kong mawala siya sa akin. Dapat na ba akong magtapat sa kanya? Papaano kung ayawan niya ako dahil sa aking kapansanan? Tulungan mo ako.

Dear Joana,

In fairness sa bf mo, dapat kang magsabi ng totoo. Hindi mo puwedeng ilihim ang kalagayan mo habambuhay. Sabi nga, walang anumang sikreto na hindi nabubunyag kalaunan. Gaya rin ng ibang lalaki, nangangarap ang bf mo na magkaroon ng pamilya na hindi mo naman pala kayang ibigay. Kung magpapakasal kayo nang hindi ka nagtatapat sa kanya, pagmumulan iyan ng maselang conflict sa buhay ninyo pagdating ng takdang panahon. Sa ilalim ng batas, ang pagtatago ng ganyang sikreto sa iyong mapapangasawa ay puwedeng maging basehan ng annulment o pagpapawalang-bisa ng kasal. Logic will dictate na habang maaga ay sabihin mo na sa iyong bf ang kapansanan mo. Kaya ngayon pa lang ay magtapat ka na sa kanya. Kung tunay ka niyang mahal, uunawain ka niya. Ang tunay at dalisay na pag-ibig ay walang kapintasang tinitingnan. Sabi nga, love covers a multitude of imperfections. Pero kung mahalaga sa kanya ang pagkakaroon ng anak, maaaring putulin niya ang inyong relasyon. Sa ano mang posibilidad ay kailangang ihanda mo ang iyong sarili.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments