Nagka-trauma sa pag-ibig

Dear Vanezza,

Itago mo na lang ako sa pangalang Leo, 32, binata pa hanggang ngayon. Noong 20 years old ako ay mayroon akong naging girlfriend. Siya ang una at huli kong minahal. Umabot din ng isang taon ang relasyon namin. Iginalang ko siya at ang lahat sa kanya. Ang plano ko noon ay magtapos ng college bago kami magpakasal para maging maganda ang aming future. Akala ko ay mahal din niya ako. Noon pala’y pinaglaruan lang niya ako dahil nalaman ko na lang na mayroon siyang ibang boyfriend at nabuntis siya nito. Lalong gumuho ang aking mundo ng malaman kong ikakasal na siya sa lalaking iyon na ang pakilala sa akin noong una ay pinsan niya. Dinamdam ko ng labis ang aking kaparalan at natigil ako ng isang taon sa pag-aaral. Nang medyo maghilom na ang sugat sa aking puso, tinapos ko na ang aking pag-aaral at ngayo’y isa na akong engineer. Sa ngayon ay may mga babaeng nagkakagusto sa akin pero natatakot ako. Baka hindi ko makayanan kung maulit ang aking masakit na karanasan noong araw. Pero natatakot naman akong tumandang binata. Ano kaya ang gagawin ko?

Dear Leo,

Sa digmaan, ang tagumpay ay hindi nasusukat sa dami ng medalya kundi sa paraan ng pakikipaglaban. Kung patuloy na maghahari sa iyong puso ang takot, talagang tatanda kang binata. Ang kabiguan ay bahagi ng buhay. Kung minsa’y itinutulot ng Diyos na tayo’y mabigo para malasap natin ang sarap ng tagumpay. Kung ikaw ay umiibig, huwag mong pigilan ang iyong damdamin dahil pagkakaitan mo lamang ang iyong sarili ng kaligayahan. Ibaon mo na sa limot ang multo ng iyong nakaraan at umibig kang muli. At kung mabibigo kang muli, bumangon ka at patuloy mong harapin ang mailap mong kaligayahan at tagumpay. Ngunit higit sa lahat, manalangin ka na sana’y matagpuan mo ang babaeng tunay na karapat-dapat sa iyong pagmamahal at hindi magtataksil sa’yo.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments