Bakit may nababaliw sa pag-ibig? (2)
Ito ay karugtong ng paksa hinggil sa problema ng isang letter sender na itinago sa pangalang Mylene, kung saan bigla na lang siyang iniwan ng kanyang bf sa kabila ng nakatakda na nilang kasal. Nabalitaan na lang niya na kabi-kabila ang babae ng kanyang bf. Posible kayang isang Narcissist ang kanyang bf? Narito ang ilang palatandaan na ang iyong karelasyon ay nagtataglay ng Narcissistic Personality Disorder, isang sakit sa pag-iisip at nakasentro lang ang kanyang atensiyon sa kanyang sarili at sa anumang bagay na makukuha niya sa kanyang kapwa, partikular na ang atensiyon at pagmamahal.
Sinasamantala niya ang kabaitan ng iba para makuha ang anumang bagay o damdamin para sa kanyang sariling kapakanan o kasiyahan.
Umaasa palaging bibigyan siya ng espesyal na pagtrato at gagawing “superior” sa inyong relasyon kahit pa wala naman siyang ginawang “effort”.
Umaasa na palaging bibigyan ng walang humpay na atensiyon, paghanga at pagbibigay sa kanya ng mga bagay na kanyang nais.
Naiinggit sa iba, ngunit pakiramdam niya ay siya ang kinaiingitan ng kanyang kapwa.
Kulang sa pagpapakita ng pagmamahal sa kanyang partner.
Sa pag-aaral, lumalabas na 75% ng may taglay na NPD ay mga lalaki. Ngunit sa totoo lang, hindi madaling madetermina kung ang iyong asawa/bf o idine-date pa lang na lalaki ay isang Narcissist dahil sa totoo lang, maituturing na magaling na actor ang ganitong uri ng lalaki. Sa umpisa ng kanyang panliligaw ay todo ang panunuyong gagawin nito sa babae. Itatrato ka niya na tila isa kang reyna at ang anumang tapakan mo ay halos hagkan niya. Ang Narcissist ay charming, romantiko at halos lahat ng hinahanap mo sa isang lalaki ay masasabi mong nasa kanya na. Flawless ika nga, para lamang makuha niya ang babaeng kanyang gustong bibiktimahin sa pamamagitan ng pagpapa-ibig dito.
Ang isang Narcissist ay mahilig sa “adventure” at “challenge”, lahat ng nalalaman niya para ma-in-love sa kanya ang babae ay kanyang gagawin, ipapakita niya sa’yo na siya ang iyong hinahanap na “prince”, ngunit sa totoo lang kapag naalis na ang kanyang mascara ay isa pala siyang “frog”. Bakit? Matapos ka kasing “bumigay” sa kanyang panunuyo ay bigla na lang siyang magpapakita ng panlalamig, paglayo sa’yo, emosyonal man o pisikal. Bakit uli? Kasi “game over” na ang paglalaro sa’yo dahil nanalo na siya. Ibig sabihin, wala ng “challenge”.
- Latest