KITANG-kita ni Avery ang pagbagsak ni Russell sa labas ng musoleyo, matapos itong barilin ng babaing may bayong.
Baril na merong silencer ang ginamit kay Russell, alam ni Avery. Natakot ang killer matapos niya itong sigawan.
Natitiyak din ni Avery na sa kotse ng Tita Soledad niya lumulan ang killer. Hindi nga lang nakita kung ang napakasamang tiyahin ang nagda-drive; tinted kasi ang sasakyan.
“Russell, oh my God!” Dinaluhan ni Avery ang binata, gimbal na gimbal sa pangyayari. “Huwag mo akong iiwan! Huwag na huwag!”
Latag ang katawan ng binata, umaagos sa bumbunan ng ulo ang masaganang dugo.
“Hu-hu-huuu! TULONG! SAKLOLOOO!” iyak at sigaw ni Avery.
Ewan kung narinig siya ng sepulturerong nasa di-kalayuan. Patakbong lumapit ito sa binatang nakahandusay.
“Panginoong Hesus na mahabagin! Mamamatay ang taong ‘to!” Nagpa-panic ang sepulturero.
“Hu-hu-hu-huu! Dapat po siyang maisugod sa ospital, manong! Gumawa kayo ng paraan, utang na loob ho!”
Hindi tumitingin kay Avery ang manong; ewan kung nakikita nito o naririnig nga ang kontrobersyal na residente ng musoleyo.
May simpleng cellphone ang manong. Kumontak agad sa gate guards ng memorial park na iyon. “Oo, bossing! Binaril ito, agaw-buhay!”
Madali namang nakarating ang service vehicle ng memorial park. Isinugod agad sa ospital si Russell.
Sa pagkakataong ito’y lalong nadagdagan ang agam-agam ni Avery. Nasa harap siya ng musoleyo, takot na takot sa lagay ni Russell.
“Hindi man lang ba ako napansin ng mga sekyu? Gaya rin ni Manong sepulturero?” takang tanong ni Avery sa sarili.
“Ibig bang sabihin, spirit-form na ako, isa nang kaluluwa?”
Hindi talaga alam ni Avery ang sagot. Labis na naman ang kanyang kalituhan. “Kung ako’y ispiritu na, may kakayahan na ba akong lumipad sa hangin? Masusundan ko ba ang sinasakyan ni Russell papuntang ospital?”
Inisip niyang makalipad. Iyon lamang ang alam niyang paraan para makahabol sa binatang agaw-buhay. (ITUTULOY)