IPINIKIT-PIKIT ni Russell ang mga mata, kinusut-kusot iyon. Tama ba ang kanyang nakikita?
Nabutas nga ba ang tiyan ni Avery? Hindi na puwedeng kumain dahil lulusot ang anumang kakainin?
“Russell, patunay ito ng ayaw mong tanggaping katotohanan—na ako’y patay na...” Nag-uunahan sa pagpatak ang mga luha ni Avery.
Naghihirap ang loob niya na basta na lang balewalain ang pagmamahal sa binatang nagmamahal din sa kanya.
“Kapain mo ang tiyan ko, Russ, para maniwala kang butas na nga...”
Sa pandama ni Russell, butas nga ang tiyan ng babaing inuukulan niya ng pagmamahal. “Oh my God...”
“Sayang itong binili mong pagkain, Russell. Kasalanang magsayang ng grasya, turo sa akin ng aking mga magulang...
“Pakikain mo na, Russell...”
Napalunok si Russell, paano ba niya sasabihing hindi siya kumakain ng partikular na putahe?
“Avery, I don’t eat batsoy. Lutong-Tagalog man o La Paz,” direktang sabi ng binata. “Menudo ang paborito ko.”
Hindi naman namilit ang dalaga. “Pakibigay na lang sa nangangailangan, Russell. Sa nagugutom.”
“I will, pangako, Avery.” Binalot ni Russell ang pagkain. Inilagay sa brown paper bag.
SA di-kalayuan sa musoleyo, walang ingay na nag-park ng kotse si Tita Soledad. May kasama siya sa sasakyan, isang matangkad-maitim na babaing mukhang probinsiyana.
Sa biglang tingin ay inosente ito, mabait. Pero kapag sinuri nang husto, masasalamin ang malupit nitong karakter.
Binilinan ito ng tiyahin ni Avery. “Tandaan mo, Gorya, sa ulo mo babarilin ang dapat patayin. Tatlong beses para sigurado.”
“Masusunod po, Tita.”
“Meron kang bonus kapag napatay mo na ang Russell na ‘yon, Gorya.” Kita sa mukha ni Tita Soledad ang kademonyuhan. (Itutuloy)