Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Arysa, 45, may asawa. Three years pa lang kaming kasal ng mister ko dahil biyuda na ako nang pakasalan niya. Matanda ako sa kanya ng 10 taon. Bago kami ikasal, marami ang nagwa-warning sa akin na masyado raw malayo ang agwat ng edad namin. Baka raw mambabae lang ang asawa ko. Guwapo ang asawa ko at maraming nagkakagustong babae. Sabi pa nga ng mga kaibigan ko, malamang pera ko lang ang target niya kaya ako pinakasalan kahit malaki ang tanda ko sa kanya. Ang asawa ko ay isa sa mga dati kong driver. Pero sa paglipas ng mga araw, nakita ko naman na pinagmamalasakitan niya ang aming negosyo. Kung masipag siya noong araw, lalo siyang naging masipag ngayon. Bago kami nagpakasal, mayroon siyang ka-live-in. Nagkahiwalay sila nung babae dahil kinaliwa siya. May dahilan ba para mag-worry ako? Kasi kinakabahan ako sa babala ng mga kaibigan ko.
Dear Arysa,
Kahit pa 10 years ang agwat ninyo hindi naman siya masyadong bata sa edad niyang 35 years old. Ayon sa kuwento mo, makuha naman siyang responsable. Hindi maganda na nababalisa ka sa bagay na hindi pa naman nangyayari. Pakitaan mo siya ng pagmamahal at gaya nang isang kasabihan, ang pag-ibig ay nagbubunga ng pag-ibig. Kaya huwag mong isipin ang mga babala ng kaibigan mo. Habang nakikita mo na masipag siyang magtrabaho at maayos ang negosyo ninyo bilang mag-asawa, palagay ko’y wala kang dapat ikabahala
Sumasaiyo,
Vanezza