Malamig si Misis

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang akong Joban, 45 anyos at may asawa. Dumating ang aking mabigat na problema sa ika-10 taon ng aming pagsasama ng aking misis. Siya ay 38-anyos at mayroon na kaming tatlong anak. Ang problema ko ay tungkol sa panlalamig niya. Palagi siyang wala sa mood at nasasaktan tuwing kami’y nagtatalik. May init pa ang katawan ko at naghahanap ng sex kaya naiinis na ako sa inuugali niya. Minsan na kaming nag-away at nilayasan ko siya pero umuwi rin ako kinabukasan at nag-sorry sa kanya. Eversince ay faithful ako sa misis ko. Mahal na mahal ko siya at sa panahon ng aming pagsasama ay hindi ako naging taksil. Naiisip ko tuloy ngayon na mambabae para lang matugunan ang pangangailangan ko. Palagay ko naman ay normal sa lalaki na magkaroon ng pagnanasa. Ano ang dapat kong gawin?

Dear Joban,

Posibleng may karamdaman ang iyong misis bakit siya nasasaktan tuwing kayo’y magtatalik. Mabuting ipatingin mo siya sa doktor sa halip na mag-isip na magtaksil sa kanya dahil lang sa pita ng laman. Baka magkasakit ka pa at mahawahan mo ang asawa mo. Kaunting pasensiya lang. At marahil naman ay mauunawaan mo ang iyong misis kung malalaman mo ang kanyang nararamdaman. Ang relasyon ng mag-asawa naman ay hindi puro sex lang. Maipadarama ninyo ang inyong pag-ibig sa isa’t isa sa ibang paraan. Mag-usap kayo at lutasin ng maayos ang problema.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments