NAKATALON mula sa kumukulong tubig ng kawa si Tatiana, naligtasan ang pagkakaluto nang buhay.
“Grawll!” sigaw ni Tatiana, parang tigreng nauulol na sa matinding galit. Nagpaltos ang balat niya sa pagkakasalang sa apoy at tubig ng malaking kawa.
Napaurong ang dalawang lalaking nagluluto kay Tatiana, ngayon sinagilahan ng matinding takot sa babaing kumakain ng buhay na butanding.
“P-Pareng Momoy...m-matutulis a-ang ngipin at p-pangil niya...”
“O-Oo nga, Pareng Aryong... k-kakainin tayo n-niyan...”
“Grawll”. Ungol ni Tatiana, palapit sa dalawang tagaluto.
TSAK-TSAKK. Tunog ito ng pagsagpang ni Tatiana sa leeg ng dalawang tagaluto. Pumulandit ang masaganang dugo.
“Eeeee! Takbooo!” tilian-sigawan ng mga taga-tabing dagat na nakasaksi sa kalagimang iyon.
Pati damit at tsinelas ng dalawang tagaluto ay inubos ni Tatiana. Gumanti talaga nang husto sa nagpahirap sa kanya.
Ang mga tao ay kanya-kanya nang takbo, palayo sa babaing kumakain ng kahit ano.
Hinahabol nga sila ni Tatiana, matindi ang gutom.
“KAKAININ KO KAYONG LAHAT!”
Isang nanay ang nadapa sa buhanginan, tangay sa pagbagsak ang anak na batang babae, 2-year old.
Ang mag-inang ito ang inabutan ni Tatiana. Inilabas agad ang matatalim na ngipin at pangil.
“Huwag po... maawa po kayo...hu-hu-huu.” Niyakap ng ina ang musmos na anak. “Huwag po kami ni Nene”.
Naulit ang naranasan na ni Tatiana, sa harap ng dalawang babae.
“Aaaah! Napakabaho ninyong mag-inaaa!” Napaigtad si Tatiana. “Mamamatay ako sa bahooo!” (ITUTULOY)