NALAMBAT ng mga mangingisda sa laot ang babaing kumakain ng buhay na butanding; si Tatiana na itinuturing na salot ng karagatan.
Naglabasan ang mga tao sa tabing-dagat. Nais nilang makita sa malapitan ang babaing alam nilang kumakain ng lahat ng bagay.
“Nakakatakot siya, Inay, kahit pa maganda!” paiwas na sabi ng isang dalagita.
“Baka sirena pala ‘yan na lahing bruha!”
“Diyusko, baka gawin tayong bato!”
“Delikado, baka makawala! Dapat idispatsa agad ‘yan!” pahayag ng matandang lalaki tagapayo ng mga mangingisda--si Mang Sidro.
“Tatay Sidro, ano po ang pinakamainam gawin diyan?”
Tiyak ang sagot ng tatang. “ Huwag alisin sa lambat! Iluto sa kumukulong tubig sa pinakamalaking kawa—hanggang sa mamatay!”
Nayanig, nangilabot ang mga nakarinig sa pasya ni Mang Sidro. Di ba napakalupit namang kamatayan iyon?
Gawi lamang iyon ng mga barbaro na walang kasinglupit, alam nila.
“Bakit po iluluto, tatang? Ipakakain po ba natin sa mga alagang-hayop?”
Tanggi agad ang matandang lalaki. “Hindi kinakain ang ganyang kasamang nilalang! Anak ng demonyo ‘yan!”
Dinig ni Tatiana ang lahat ng usapan. Nag-iisip siya kung paano makaliligtas sa kamatayan.
Kung mga taga ng itak at palo lamang ay kaya niyang ligtasan; sa bala ng baril siya labis na natatakot.
Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi tiyak ni Tatiana kung siya’y mabubuhay kapag binaril sa ulo.
“Tatang Sidro, bakit po di na lang natin paluin sa ulo hanggang mawalan ng ulirat? Saka patayin at ilibing?” mungkahi ng isang mangingisda.
“Buo na ang pasya ko. Lutuin nang buhay ang babaing ‘yan!” (Itutuloy)