“SAGUTIN mo ang tanong ko, miss, ikaw ba ang lider ng libu-libong bubuwit?” seryosong tanong ng hepe kay Tatiana. Nasa police precinct sila.
Ang babaing kumakain ng lahat ay kunot ang noo, liyad ang dibdib.
“Ayokong sumagot kapag ako’y gutom,” diin ni Tatiana. Kumibut-kibot ang bigote ng hepe, palatandaang naiirita sa kaarogantehan ng suspect; itinuturing nilang suspect si Tatiana.
“Sagutin mo muna ng OO o HINDI ang tanong ko bago ka kumain,” utos ng hepe.
“Hindi mo naiintindihan, hepe—hindi puwedeng maghintay ang gutom ko. At ako’y LAGING GUTOM.”
Naaliw ang hepe. “Dapat palang katambal mo ang kumpare kong tabatsoy. Iyon ay LAGING BUSOG!”
Natawa ang hepe sa sariling kuwento. “Ha-ha-ha-haa.”
Pinalapit ni Tatiana ang hepe, pinungayan ito ng mata.
Kinabahan ang hepe. “Inaakit mo ba ako, miss? I must warn you—mahina ako sa tukso laluna kung kasingganda mo...”
“Ikaw ba ay mapili sa pagkain?”
Umiling ang pinuno ng kagawaran ng pulisya, mahalay ang ngisi. “Matakaw ako sa anumang masarap—laluna sa babaing nanunukso...”
Isinara ng pinuno ang interrogation room. Napagsolo sila ni Tatiana.
“Maglalaro tayo ng bahay-bahayan, Miss Beautiful.”
Game si Tatiana, nag-alis ng underwear.
Namilog ang mga mata ng pinuno, sa pananabik. “Hindi ka magsisisi, Miss Beautiful.”
“Ikaw ang baka magsisi, Mr. Mahilig.”
“Greg. Call me Greg. Dadalhin kita sa Langit.”
“Greg, dadalhin kita sa loob ng aking bunganga.”
NGA-A-LOTT. Kinagat, kinain ni Tatiana si Greg, una ang ulo at katawan; nagkikisay ang mga paa ni Greg. (Itutuloy)