DINAKIP nga ng mga pulis si Tatiana, dinala sa presinto para imbestigahan.
Samantala’y nagkagulo na nang husto sa main road ng lunsod dahil nga sa nagtatakbuhang libu-libong mga bubuwit.
Nagkabuhul-buhol ang trapiko; kaydaming tao ang inatake sa puso.
“A-a-aahh...h-hindi ako makahinga, t-tulungan n’yo ako,” daing ng matabang driver ng bus.
Ang konduktorang 45-year old ay hinimatay sa takot sa mga bubuwit.
Nagkaroon ng stampede ng mga pasahero, nagkatulakan, nagkasakitan sa pag-uunahang makalabas ng sasakyan.
Ilang pasahero ang tumalon, sa bintana ng bus dumaan.
KABLAG. TUDD. PLAGG.
Ilan sa mga ito, mga babae, ang nabalian. “EEEE! LABAS ANG BUTO KOOO... DIYUSKOPO NAMANG MAHABAGIN...”
Natataranta ang mga rescue teams; gaya rin ng mga bubuwit na hindi malaman kung saan susuling.
Sa mga imburnal at iba’t ibang butas nagsipagtago ang mga bubuwit.
Sa mga sandaling iyon ay hindi na umuusad ang trapiko. Kay-ingay-ingay ng mga busina ng mga galit nang motorista.
HONK-HONK-HONNKK. PIID-PIID-PIID.
Nag-live coverage agad ang ilang TV network, sa mismong pinangyarihan.
“Narito po tayo ngayon sa lugar na sinalanta ng libu-libong dagang bubuwit, na umano’y nakasunod sa pinakalider ng mga ito—isang magandang babaing misteryosa... “ mahabang intro ng seksing broadcaster. “Aalamin pa po namin kung nasaan na ang babaing misteryosa”.
SI TATIANA ay kasalukuyan nang iniimbestiga ng mga awtoridad. Tumanggi siyang magpaposas o ikulong sa selda. “Alam ko ang human rights ko, dahan-dahan kayo!”
“Sagutin mo ang tanong, miss, ikaw ba ang lider ng libu-libong bubuwit na naminsala sa lunsod?” seryosong usisa ng hepe. (ITUTULOY)