TATLONG bubuwit na daga ang umaaliw sa imahinasyon ni Tatiana. Nais niyang gumawa ng kakaibang eksena na pangunahing tauhan ang mga bubuwit.
Dinoble niya ang dami ng tatlong bubuwit, gamit ang kanyang magical power. Biglang naging anim iyon.
Kay-iingay ng maliliit na bubuwit. iit-iitt-iitt. Iit-iitt-iitt.
Ang anim ay ginawang isandosena; naging beinte-kuwatro. Inulit nang inulit ang proseso hanggang sa halos napuno na ng sangkatutak na bubuwit ang motel room ni Tatiana.
Musika sa pandinig ng babaing alien ang ingay ng mga bubuwit.
Para kay Tatiana ay isa iyong konsiyerto, isang musical masterpiece ng mga nilalang na pinandidirihan ng karamihan.
Hindi nakaila sa mga tauhan ng motel ang walang tigil na ingay ng mga bubuwit.
“Sa Room 109 nanggagaling!”
“Nagdala doon ng pagkain si Roger pero hindi pa bumabalik. Tiyak na alam niya kung ano’ng meron sa 109”.
“Bakit naman kaya matagal d’un si Roger?”
Hindi alam ng mga tauhan na si Roger, ang guwapong waiter, ay kinain na ng babaing nasa 109; nasa tiyan na ni Tatiana ang mabait na nilikha. “Mahilig pa naman ‘yang si Roger na magpahinga. Baka nasa isang tabi at nagre-rest” .Rest In Peace na si Roger at wala ngang kaalam-alam ang mga kasamahan.
Dalawang tauhan ang nagpasyang magpunta sa 109, magsisiyasat.
TOK-TOK-TOK. Kumatok sila sa 109. Natiyak na nilang dito nga nagmumula ang nakaririnding ingit ng mga bubuwit.
“Mam, ser, pakibuksan po sandali”.
KRE-E-E-EK. Lumangitngit, bumukas ang pinto. Nagpulasan ang libu-libong bubuwit. (Itutuloy)