May karelasyon sa FB

Dear Vanezza,

Ako po si Erika, isang OFW. May ka­relasyon ako at batchmate ko siya nung high school pero sa FB lang kami nagkakilala. Siya rin po ay OFW pero sa ibang bansa kaya long distance relationship po ang kalagayan namin, mahigit isang taon na. Hindi pa po kami nagkikita pero araw-araw din po siyang tumatawag sa akin. Pero bago po naging kami, inamin niya sa akin na may anak siya sa gf niya noon pero yung babae ay nagpakasal sa iba dala ang kanyang anak. Sa kabila noon ay tinanggap ko pa rin siya. Ngayon po ay nagdadalawang-isip ako kung siya na ba talaga o hindi. Hindi ko alam kung paano matatanggap ng pamilya ko at mga kaibigan ko ang aming relasyon. Mahal ko po siya pero iniisip ko po ang kalagayan niya at yun nga, hindi ko pa siya nami-meet ng harapan.

Dear Erika,

Kung ikaw ba ay bibili ng singsing, bibilhin mo ba ito kahit hindi mo pa nakikita at sinasabi lang na maganda ng kausap mo? Bago mo mauri o makilatis ang isang bagay, dapat makita mo muna ito. Kung totoong wala siyang asawa at may anak lang siya sa ibang babae, na nag-asawa na rin, wala naman akong nakikitang hadlang. Ang problema ay hindi pa kayo nagkita ni-minsan. Mabuting kilalanin mo muna ang taong iyan para malaman mo kung ano ang totoo niyang pagkatao. At iyan ay magagawa mo lamang kung magkikita kayo ng personal.

Sumasaiyo,

Vanezza

 

Show comments