HABANG sarap na sarap si Almario sa magic version ni Tatiana ng special food na pangregalo sa mga kaopisina, si Tatiana naman ay kaysama ng iniisip sa ama-amahan.
“Ulul, malapit na kitang kainin, Daddy Almario. Wala akong ilalabi sa iyo. Mawawala ka sa mundo, without a trace, walang bakas.”
Of course, sa isip lamang ito sinabi ni Tatiana.
“Tatiana, iha, bilib na ako sa iyo! Ano kaya, dagdagan mo ang special food? Mamimigay na rin ako sa mga empleyado. You know, goodwill, pampalubag-loob sa mga walang-wala.”
Ngumiti sa ama-amahan si Tatiana, ngiting pagkabait-bait na naman. “Opo, Daddy Almario. Basta po maghanda kayo ng paglalagyang kaldero.”
Tatlong bagumbagong kaldero ang inilabas nina Sofia at Almario. Magkasundo ang mag-asawa sa anumang bagay na sila’y makatitipid.
Imagine, libre ang magic food ni Tatiana; hindi tulad kung magpapaluto sila sa Wa Pak Restaurant; napakamahal ng bayad.
Sa isang kumpas ng kamay ni Tatiana, napuno agad ng special food ang tatlong malalaking kaldero.
Tunay na tunay ang lasa ng macaroni salad at spaghetti Putanesca. Panay tuloy ang tikim nina Almario at Sofia.
May naisip tuloy si Almario, isang uri ng reward o gantimpala kay Tatiana.
“Gusto mo bang sumama sa amin ng Mommy mo, Tatiana, sa office ko sa downtown?”
Namilog sa tuwa ang mga mata ng dalagang alien. Mula ng isilang tatlong buwan na ang nakararaan, hindi pa siya nakalabas ng bakuran.
Gustung-gusto ko po, Daddy Almario!” Kayganda ng ngiti ng dalagang alien na nakapustiso na.
“Hindi ka kakain ng tao o kamay, ha, anak?” tanong-pakiusap ni Sofia.
“Sumpa man po, Mommy.”