Dear Vanezza,
May matindi po akong crush sa gf ng kuya ko. Three years po ang tanda nila sa akin. Hindi ko po maintindihan sa sarili ko kung bakit sa gf pa ng kuya ako nagkakagusto. Maganda siya, mabait at mahinhin. Pareho silang Nursing graduate at kasalukuyang nag-aaplay ng trabaho sa abroad. Hindi alam ng kuya ko na gusto ko ang siyota niya at ito ay lihim na lihim lang. Napalapit ang loob ko sa kanya dahil noon ay palagi siyang ipinapasundo ng kuya ko sa school pag may bagyo at baha at hindi siya masundo ng kapatid ko. Palagi akong pinapakain muna sa kanilang bahay bago ako pauwiin. Kaya lagi ko siyang nakakakuwentuhan. Compatible kaming dalawa sa mga paborito kong sports, music at maging sa movies. Kaya enjoy ako kung kausap ko siya. Siya rin daw ay ganoon sa akin, magaan daw ang loob niya dahil tulad ni kuya, guwapo ako at mapagkakatiwalaan. Wala naman po akong balak na sulutin kay kuya ang gf niya pero nararamdaman kong nagseselos ako kapag may lakad silang dalawa. Normal po na magkagusto ako sa nobya ng aking kapatid? Puwede ko po ba itong ipaalam sa girl? - Kobe
Dear Kobe,
Normal lang naman na magkaroon ka ng crush sa isang magandang babae. Hindi mo naman inaagawan ang kapatid mo. Ang masama kung sinisiraan mo sa gf niya ang kapatid mo para masulot ito at sa iyo mabaling ang pagtingin niya. Huwag mo ring ipagkamali na may kursunada sa iyo ang gf ng kuya mo dahil mabait kang kapatid at ang hindi magampanang pagsundo ng kuya mo sa gf niya ay ipinagkakatiwala sa iyo. Natutuwa lang siya sa’yo dahil masaya kang kausap at ang kawalan ng panahon ng kuya mo sa kanya ay ginagampanan mo dahil nga nirerespeto mo ang iyong nakatatandang kapatid. Huwag mo nang ipagtapat pa sa nobya ng kuya mo ang iyong pagkakagusto sa kanya para makaiwas ka sa problema. Bibigyan mo lang ng isipin ang gf niya. Makakatagpo ka rin ng ibang babae na may katangiang tulad niya o higit pa.
Sumasaiyo,
Vanezza