KAYDAMI nang naganap mula ng kainin ni Tatiana si Manong Emong. Hindi ito alam ni Almario.
Sinadya ni Sofia na huwag nang ipaalam sa mister ang nakakikilabot na krimen. Lalong hindi niya ipinabatid kay Almario na siya ay sangkot sa perfect crime—na siya ang nagsunog sa putol na binti ng matanda.
Hindi rin alam na si Tatiana ay kumakain ng lahat liban sa nabubulok na binting may gangrene. Umuwi si Almario nang araw na iyon, galing sa opisina. “Successsful ang blow-out ko sa friends ko, Sofia. Gustung-gusto nila ang special macaroni salad and cold pasta na dinala ko!” “Mabuti naman, Almario. “ Hindi masabi ni Sofia na ang mga espesyal na pagkain ay hindi na original; na iyon ay kinain at inubos ni Tatiana; na sa pamamagitan ng magic ay napalitan na ng duplikadong pagkain.
Naitatago ni Sofia ang guilt sa pagkakapatay ni Tatiana kay Manong Emong. “Nasaan na ang dalaga mo, Sofia? Mukhang mabait na, a. “, “Nasa silid si Tatiana. Meron na siyang pustiso, alam mo ba?”
Napakunot-noo si Almario. “Nagpapustiso, para itago ang matutulis at nakamamatay na ngipin at pangil?” Pinaganda ni Sofia kahit papaano ang image ng anak. “Na-in love siya sa inaanak kong binata, si Dexter.
“The feeling is mutual naman, mahal na mahal siya ni Dexter. Pakakasal na nga one of these days, sa huwes muna. “Palagay ko’y natututo nang magpakatao ng anak ko, Almario “
Iba ang palagay ni Almario, kinilabutan. “Hangga’t hindi siya tumitigil sa pagkain ng lahat ng bagay, hindi mo siya dapat i-partner sa normal na tao, Sofia. Baka pati si Dexter ay kainin ni Tatiana.” Hindi masabi ni Sofia na ang isang bote ng long-neck sa wine collection ni Almario ay pinakialaman ni Tatiana; na inubos nito ang alak pati na ang bote. Biglang lumabas ng silid si Tatiana, tumingin sa ama-amahan, mukhang napakabait. “Hi, Dad! Good evening po.”
Kinabahan si Almario. Lumapit kasi si Tatiana, kinapitan siya sa isang kamay—hinalikan sa mga daliri. “Mano po.” (ITUTULOY